NAGPAHAYAG ng pangamba ang Lawyers for Commuters Safety md Protection (LCSP) sa panibagong kautusan ng Department of Transportation (DOTr) na paikliin ang sukat ng distansiya ng mga pasahero sa mga pampublikong transportasyon simula sa araw ng Lunes.
Nabatid na mula sa dating 1 meter social distance ay ginawa na lamang .75 meter ang distansiya ng bawat pasahero.
Sa panayam ng Pilipino MIRROR sinabi ni Atty. Ariel Inton, pinuno ng LCSP na kung ang layunin ng Department of Transportation (DoTR) ay para madagdagan ang bilang ng mga pasahero sa mga public vehicle ay tila inilalapit na rin ang publiko sa peligro ng Covid-19.
“Meron ba tayong medical basis, na kapag ang social distance ay kinompromise ay ano ang magiging epekto?” tanong ni Inton.
Aniya, kung layunin ng hakbang ng DOTr ay para madagdagan ang mga mananakay tuwing rush hour ay dapat maglatag ito ng alternatibong safety health protocols sa public transport system, katulad nang ginagawa sa ibang bansa na bagaman binawasan ang bilang ng mga pumapasada ay may nakalatag namang malinaw na mga panuntunan para sa kaligtasan ng mga commuter.
“Kaya nga very firm dati ang DOTr kung saan maliban sa face shield, face mask at 1-meter distance dahil 99.9 porsiyento umano itong epektibo na panlaban sa Covid-19, dagdag pa ni Inton.
Iminungkahi pa nito na dapat dagdagan na lamang ang aktuwal na bilang ng mga pampublikong sasakyan na pumapasada upang masiguro na makasasakay ang commuters sa rush hours.
Naniniwala si Inton na mahirap din sa hanay ng mga operator at mga drayber na pumasada kung malulugi lamang din sila dahil sa umiiral na “reduce capacity.” BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.