INIHAYAG ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa 185 na sasakyang pandagat na ang nakakuha ng permit upang makasali sa isasagawang fluvial procession ng imahen ng Señor Santo Niño, Our Lady of Guadalupe at Saint Joseph sa darating na Sabado, Enero 20.
Ayon sa pahayag ni Commander Mark Larsen Mariano, Deputy Commander ng PCG District Central Visayas, ang lahat ng mga sasali sa fluvial procession ay kailangang kumuha ng permit sa kanilang tanggapan at kinakailangan na kumpleto sa mga papeles upang mabigyan ng permit.
Ang mga sasaling sea vessel ay maaring makapagsakay ng pasahero ngunit kailangang 75 percent lamang ng kanilang total capacity.
Binigyang diin din ni Mariano na kailangang mayroong life jacket para sa lahat na pasahero ang mga sasaling sea vessel.
Aniya, mahigpit na babantayan ng PCG at Philippine Navy (PN) ang mga bangkang sasali ngunit walang permit, ang mga mahuhuling bangka ay hindi na makakasali sa mga susunod pang fluvial procession.
Napag- alaman na motorized vessel lamang ang pinapayagang makasali sa fluvial procession.
EVELYN GARCIA