BINIGYAN TAYO NG DIYOS NG MARAMING GANSANG NANGINGITLOG NG GINTO

rene resurrection

MARAMING taong nakaririnig sa kuwento  ko tungkol sa gansang  nangingitlog ng ginto ang nagsasabi sa akin,“Ang ganda ng kuwento  mo tungkol sa gansang nangingitlog ng ginto.  Ang sarap sanang magkaroon ng ganyang klaseng gansa.  Pero hindi naman totoo iyang kuwentong iyan e.  Isa lang naman iyang alamat o pabula.”

Ang sagot ko naman sa kanila, “Aba.  Nagkakamali po kayo.  Totoo po iyang kuwentong  iyan.  Mayroon talagang bawat isa sa atin ng gansang nangingitlog ng ginto.  Katunayan, binigyan nga ng Diyos ang bawat isa sa atin ng maraming gansang ganyan.  ‘Pag minamahal at inaalagaan mo siya, mangingitlog ng ginto sa iyo.  Maghahandog ng kayamanan at ginhawa sa iyo iyan.  Subalit kung pagmamalupitan mo at babalewalain mo siya, hindi na siya makapagbibigay ng itlog na ginto.

Ano ang mga halimbawa ng mga gansang nangingitlog ng ginto sa ating buhay?  Ang iyong asawa.  Ang mga anak mo.  Ang kompanyang pinagtatrabahuhan mo. Ang sasakyan mo kung isa kang driver.  Ang tindahan mo. Ang opisina mo.  Ang pangangatawan o kalusugan mo.  Ang pag-iisip mo.  At marami pang iba.

Ang numero uno mong gansang nangi­ngitlog ng ginto ay ang asawa mo.  Kung mamahalin mo siya, aalagaan mo siya, pakakainin mo siya, ipagtatanggol mo siya, at lalambingin mo siya, magtatrabaho siya para sa iyo nang walang bayad.  Seserbisyuhan ka niya nang buong inam. Lalong-lalo na kung bukod sa gawaing bahay ay nagtatrabaho pa siya sa labas ng bahay para kumita ng pera.  Nag-aalaga siya sa mga anak mo.  Ina­ayos niya ang tahanan mo.  Ipagluluto ka niya ng masarap na pagkain.  Mamasahehin at hahaplusin ka pa kapag napapagod ka.  Kung magkakasakit ka, aarugain ka niya, gagamutin ka, ipagluluto ka ng masustansiyang pagkain.  Lalambingin ka pa gabi-gabi, kung gusto mo.  Ipaglalaba ka pa.  Lilinisin niya ang bahay mo.  Magtatanim pa siya ng gulay o bulaklak sa iyong bakuran.  At marami pang iba’t ibang pag­lilingkod  nang walang bayad!  Lahat nang ito ay dahil mahal ka niya.

Subalit, kung pagmamalupitan mo ang iyong asawa, ‘pag babalewalain mo siya, ‘pag hindi mo na siya binibigyan ng halaga, atensiyon  at pagmamahal, manghihina ang loob niya.  Magtatampo siya.  At ‘pag hindi ka pa rin nagbago sa iyong masamang pakikitungo  sa kanya, baka masaktan ang kanyang damdamin.  Maaaring manlamig siya sa iyo.  Mawawala na ang gana niyang maglingkod sa iyo.  ‘Pag dinurog mo ang puso niya, pagtitiisan ka niya hanggang sa hindi na niya talaga kayang tanggapin ang lahat ng pang-aapi mo sa kanya.  Maaaring maging lubos na ang pagkadurog ng puso niya, at magsasara na ang puso niya tungo sa iyo.  Parang isinara mo ang gripo; hindi na dadaloy ang kanyang pag-ibig. ‘Pag hindi ka magsisisi at magbabago, maaaring tuluyan nang mamatay ang kanyang pag-ibig, at kikilos na siya para tapusin na ang inyong dating matamis na relasyon. ‘Pag wala na siya, saka ka magsisisi.  Tatawag-tawagin mo  ang kanyang pangalan subalit wala na siya.  Mag-isa kang yayakap sa lumbay at hinagpis sa lamig ng gabi.  Pinatay mo ang pag-ibig.  Pinatay mo ang gansa mong na­ngingitlog ng ginto.  Isa kang hangal.

Maaari ring mangyari ang ganyang sitwasyon tungo sa iyong mga anak.  Ang mga anak natin ay gaya rin ng gansang na­ngingitlog ng ginto.  Kung gusto mong guminhawa ang iyong buhay, ang iyong anak ay alagaan mong tunay.  Balang araw iyang kabataan, magi­ging gabay sa iyong katandaan.  ‘Pag namuhunan ka ng panahon, pagsasanay, pagtuturo, paggagabay, at pagmamahal sa iyong mga anak, pagtanda nila, magtatrabaho at kikita sila ng pera at mag-aambag sila para  sa kaginhawahan ng kanilang mga magulang sa kanilang katandaan.  Subalit kung pagmamalupitan mo ang iyong mga anak, kung wala kang panahon sa kanila, kung hindi ka mamumuhunan sa kanilang magandang  pag-aaral, pagsasanay, at pagtuturo ng mga magagandang prinsipyo, pagtanda nila, baka magdala sila ng sama ng loob sa kanilang puso. Pagtanda nila, at may trabaho at kita na sila, malamang na hindi sila mag-aambag para sa kaginhawahan ng kanilang mga magulang  sa kanilang katandaan.

Tandaan: sa kasisingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.