RIZAL- BALIK selda ang tatlo sa siyam na presong pumuga na may kasong droga matapos wasakin ang bintana ng Binangonan PNP jail nitong Sabado sa lalawigang ito.
Sa ulat na tinanggap ni Lt. Col. Rodolfo Santiago ll, hepe ng pulisya kinilala ang tatlo sa nadakip na pugante sina Bryan Poras, 35- anyos; Joseph Picadizo, 22-anyos at Rolly Anas, 38 -anyos sa isinagawang hot pursuit operation.
Target naman ng manhunt operation ang anim pang pugante na sina Edward Vorja, Jason Francisco, Noel Guilardo, Jonel Prudenciado, Jefferson Santuyo at Alex Anorico, 27-anyos.
Ayon kay Pat. Carl Tablante, jail officer, winasak ng mga bilanggo ang bakal ng bintana, umakyat sa bubong at tumakbo patungo sa Manila East Road, Brgy., Calumpang sa nabanggit na bayan.
Nabatid din kay Tablante, 8 sa mga suspek ay may kasong illegal drugs at tanging si Anorico ang may kasong pagnanakaw. ELMA MORALES