(Binuksan ng Comelec) ONLINE VOTERS PRECINCT FINDER

comelec

OPISYAL ng binuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang online voters precinct finder kaugnay sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) bilang gabay sa mga botante.

Ito ay upang mas madaling mahanap ng mga botante ang kanilang precinct number o kung saan sila maaring bomoto na presinto sa kanilang mga lugar.

Ang Comelec Precinct Finder ay isang website na maaring makita o ma-access ng mga botante para maagang malaman ang kanilang voting precinct at makaiwas na rin sa mahabang pila sa paghahanap ng kanilang presinto sa mga eskuwelahan.

Ayon sa Comelec, maaring bumisita sa “precinctfinder.comelec.gov.ph” para sa iba pang detalye at kailangan lamang ang buong pangalan, petsa ng kapanganakan o birthdate, at lugar kung saan nagparehistro para malaman ang polling place kung saan boboto.

Sinabi naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, na magtatalaga rin ng voter assistance desk sa mga voting center sa Lunes sakaling may mga botanteng walang makikitang record sa precinct finder portal.

Bukod dito, magtatalaga rin ng voter assistance desk bago pumasok sa pinto at sa mismong loob ng voting precincts, para masigurong may magbibigay ng assistance sa mga botante.
PAUL ROLDAN