BUMUO ang Department of Migrant Workers (DMW) ng isang task force laban sa investment scams.
Ayon kay DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac, ang pagbuo sa task force ay alinsunod sa suhestiyon ni Senador Raffy Tulfo, chairman ng Senate migrant workers committee, para protektahan ang overseas Filipino workers.
“Una, para magbigay ng impormasyon sa mga workers kung paano sila makakaiwas sa investment scams.
Pangalawa, kung nabiktima na sila, saan sila tatakbo,” ani Cacdac.
Aniya, ikinakasa nila ang partnership sa Securities and Exchange Commission (SEC) at sa Department of Justice (DOJ) upang mapaigting ang pagsisikap sa pagtugon sa investment scams.
Ang DMW ay nakatakdang lumagda sa isang memorandum of agreement sa SEC sa Oct. 11.
Pinayuhan din ng ahensiya ang publiko na maghain ng reklamo sa investment scams sa pamamagitan ng kanilang shared hotline 1348.