MATAAS ang pangangailangan natin sa koryente. Sa katunayan, isa ang Filipinas sa may pinakamababang power reserves o reserbang elektrisidad sa Asya. Sa rehiyon ng Southeast Asia, lumalabas na mataas ang singil ng koryente natin kung ating ikukumpara sa mga bansang Singapore, Malaysia, Thailand at Vietnam.
Itinutulak ng kasalukuyang administrasyon na magkaroon ng 100% electrification ang buong bansa. Subalit kung hindi tayo magtatayo ng karagdagang planta ng koryente, ang lahat ng ito ay babagsak lamang sa kangkungan. Dagdag pa rito ay ang pagbatikos at pagprotesta ng mga makakaliwa na tutol sa pagtatayo ng mga coal plant sa ating bansa.
Sinasabi nila na ito ay nakasisira sa kalikasan. Ngunit ang hindi nila inaaral ay ang mga makabagong teknolohiya sa pagtatayo ng coal plants ay hindi na marumi. Sa katunayan, mas marumi pa ang ibinubuga na maitim na usok mula sa mga tambutso ng mga bulok na jeepney, bus at trak. Tumututol ba ang mga militante rito? HINDI!!!
Kamakailan ay lumagda ang Metro Pacific Investments Corp. (MPIC) sa pamahalaan ng Quezon City upang pag-aralan ang pagtatayo ng Biomass Power Plant sa nasabing siyudad. Ano ba itong Biomass Technology?
Ito ay gumagamit ng samu’t saring mga basura tulad ng ipa ng palay, kahoy, tuyong dahon at ibang uri ng basura para ilagay sa isang boiler at susunugin upang ma-convert bilang koryente. Ang biomass technology ay isa sa mga uri ng renewable energy na maaaring tingnan ng ating pamahalaan upang madagdagan ang ating power reserves.
Ayon sa presidente at CEO ng MPIC na si Jose Ma. Lim, gagamit sila ng mga napagtabasan mula sa mga produktong agrikultura.
Kapag ito ay natuloy, maaari silang mag-umpisa na makapaglabas ng ‘single digit megawatt’ na lakas ng koryente. Ayon sa datos, ang 2.25 megawatt (MW) ay kayang magsuplay ng koryente sa halos 1,800 na kabahayan.
Kapag natayo ang nasabing biomass plant, kaya ng Quezon City na magbigay ng municipal waste o basura na akma para sa biomass ng mga 3,000 metric tons kada araw o mga 42 megawatts na maaaring magpailaw ng 60,000 to 90,000 na kabahayan. O ‘di ba, ang mga basura natin ay magagamit na sa mabuting paraan. Maaaring bumaba pa ang singil ng koryente natin dahil dito.
Ayon kay Lim, ang proyekto ay nagkakahalaga ng P15 billion na nasimulan limang taon na ang nakararaan. Daan daw ito sa sinasabing Swiss challenge kung sakali na may ibang partido na interesado na pumasok sa nasabing proyekto.
Kapag natapos na ang lahat ng proseso at sila ang magwagi, maaari na nilang simulan ang pagtatayo ng isang Biomass Power Plant sa Quezon City.
Siguro naman walang dahilan upang magprotesta na naman ang mga militanteng grupo laban sa planong Biomass Power Plant. Renewable Energy po ito, noh?
Comments are closed.