SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Pasay na kunan ng biometrics ang mga opisyales ng barangay sa lungsod para sa pag-isyu ng “Electronic Mamamayan Identification Card” (EMI Card) na maaring gamitin bilang government-issued ID at e-wallet for para sa distribusyon ng ayuda.
Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, sinimulan ang pagpoproseso sa mga hindi pa nakukuhanan ng biometrics na mga opisyales ng barangay para sa EMI Card nitong Hunyo 17 sa Cuneta Astrodome.
Magiging mas madali ang pakikipagtransaksyon ng isang residente kapag nagkaroon na ito ng EMI Card dahil dito na papasok ang mga financial assistance na manggagaling sa lungsod tulad ng social pension, birthday gift para sa senior citizens, at marami pang iba.
Nanawagan din ang alkalde sa iba pang opisyales ng barangay sa lahat ng 201 barangay sa lungsod na bumisita na sa Cuneta Astrodome para magparehistro sa kanilang EMI Card na muling gaganapin sa Hunyo 21 hanggang Hunyo 23.
Inilunsad ang pagsasagawa ng pagkuha sa mga residente sa lungsod ng biometrics sa ilalim ng EMI portal noong Mayo ng nakaraang taong 2021 na una nang nagsilbing database para sa pag-iskedyul ng COVID-19 vaccination program.
Hinikayat din ang mga residente ng lungsod na makibahagi sa inisyatibong EMI Card ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa https://pasayemi.ph. MARIVIC FERNANDEZ