BIR-BOC REVAMP

Erick Balane Finance Insider

MAINIT ang Malacañang sa pinupursige nitong pagpapatuloy ng balasahan sa Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs dahil sa dami ng ‘white paper’ na nakararating kay Presidente Rodrigo Duterte hinggil sa katiwaliang nagaganap sa dalawang naturang ahensiya.

Nagbigay ito ng ‘go signal’ kay Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III para tuluyang sibakin sa puwesto ang mga natitirang corrupt officials sa nasabing mga tanggapan.

Sa BOC, pormal na nilagdaan nina newly-installed Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, AFP Chief of Staff Gen. Carlito Galvez at Philippine Coast Guard Admiral Eleseo Hermogino ang isang kasunduan sa pagpapakalat ng 600 personnel ng AFP at PCG sa BOC na magsisilbing bantay para ganap na masugpo ang smuggling, illegal drugs at katiwalian na ang direktiba ay galing mismo kay Presidente Digong.

Ang collaboration sa pagitan ng BOC, AFP at PCG ay sinelyuhan sa pamamagitan ng memorandum of agreement kasabay na rin ng courtesy resignations ng may 20 BOC officials na pawang presidential appointees.

Umaasa si BOC Commissioner Guerrero na masusundan pa ng mahigit sa 50 top officials ng BIR ang bo­luntaryong pagbibitiw sa puwesto upang bigyang-daan ang pagpili niya ng mga taong karapat-dapat italaga sa mga mababakanteng puwesto.

Sa BIR, isa sa apat na deputy commissioners ang ‘underfire’ dahil sa umano’y poor performance, kinakaharap na iba’t ibang reklamo ng katiwalian at pagbubulakbol sa trabaho.

Tila nagpaparamdam na rin si BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay sa matagal na nitong kahilingan kay Pangulong Digong na tuluyang magretiro sa serbisyo dahil sa kanyang edad na 73 at umano’y problema sa kalusugan.

Sakaling iwanan ni Commissioner Dulay ang BIR, si former BIR Senior Deputy Commissioner for Operations Nestor Valeroso ang ini­rekomenda ni Secretary Dominguez sa Chief Executive bilang kapalit nito.

Ang BIR at BOC ay kabilang sa government agencies na sinasabing laganap ang korupsiyon. Ang iba pa ay ang Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, at Department of Education.

Una nang pinalitan ni Presidente Duterte si BOC Commissioner Isidro Lapeña subalit inilipat ito bilang bagong hepe ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) matapos pumutok ang P11.6-billion drug smuggling at ninombrahan bilang kapalit nito si BOC Chief Guerrero.

Si Commissioner Dulay ay napabalitang isa sa napipisil ng Malacañang na italaga bilang bagong ambassador sa United Nations kapalit ni newly-appointed Foreign Affairs Secretary Teddy Benigno.

Pero kung si Commissioner Dulay ang masusunod, mas gusto niyang magpahinga na sa serbisyo dahil sa kanyang edad at health problem.

Sakaling maitalaga si Valeroso bilang kapalit ni Dulay, alinsunod sa kagustuhan ni Secretary Dominguez, inaasahan ang major revamp sa BIR sa layuning mapataas ang tax collections at ganap na masugpo ang tumitinding graft and corruptions sa nasabing tanggapan.

Ang sinasabing isa sa mga deputy commissioner ng BIR na laman ng ‘white paper’ ay inaakusahan ng matinding corruption, kabilang na ang ‘fund raising’ sa mga inoorganisang golf tournaments na madalas gawin sa oras ng kanilang tour of duty, hindi matagpuan sa kanyang opisina, pumapasok lang kung may pipirmahang letters of authority at itinuturing siyang nasa likod ng umano’y hijacking ng tax cases o pagdukot ng mga malalaking tax cases sa Large Taxpayers Service at sa regional at revenue district offices para sa sinasabing mabilisang pagtatapos ng mga kaso.

Isa pang BIR assistant commissioner na dapat sana’y nagretiro na subalit sa hindi malamang dahilan ay nakakuha umano ng extension ng anim na buwan na isang paglabag sa probisyon ng Civil Service Rules and Regulations.

oOo

Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa  09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.