BIR-BOC TAX DRIVE PINALAKAS PA

ANG pagbilis ng inflation patungo sa target na mula 2.0% hanggang 4.0% sa taong ito ay makaaapekto sa posibleng pagbagsak ng tax collections ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) kaya pursigido sina Finance Secretary Ralph Recto at BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na mas pag-igihin at palakasin ang tax drive ng dalawang nabanggit na collection agencies.

Ang tax collection goal ng BIR at BOC ay naka-base sa inflation o ang pagtaas sa pangkalahatang antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo sa isang ekonomiya.

Gayunman, sa magandang takbo ng ekonomiya at negosyo sa bansa sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay kumpiyansa sina Secretary Recto at Commissioner Lumagui na makukuha ng BIR at BOC ang kanilang tax collection goal bago pa matapos ang taong 2024.

Ito ay bunsod ng magandang collection performance ng mga regional directors at revenue district officers sa buong kapuluan sa pagkolekta ng buwis.

Bukod dito, patuloy ang kampanya ng BIR laban sa mga nandaraya sa pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong tax evasion, gayundin ang BOC kontra smugglers.

“The BIR will continue to raid large-scale illicit cigarette warehouses, traders, and manufacturers. This 636M raid in Cabanatuan City of an illicit cigarette factory shows our commitment to a fair and equal marketplace in our country.

Expect more raids,” sabi ni Commissioner Lumagui.

Muling nagtagumpay ang BIR kontra illicit trade dahil sa isinagawang mga palihim at biglang pagsalakay sa isang pabrika ng iligal na sigarilyo kamakailan sa Cabanatuan City.

Aabot sa Php636,935,703.54 ang hindi bayad na buwis at danyos na haharapin ng mga negosyante na nagpapatakbo ng pabrikang ito. Kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagdiskubre ng operasyon ng pabrikang ito na nakatago sa ground floor ng isang gusaling tila rest house sa unang tingin. Nakatago ang imbakan ng pabrika sa mga container truck na tinakpan ng trapal na camouflage. Nadiskubre rin ang isang bunker at firing range sa raid na ito. Labinlimang (15) Chinese nationals ang inaresto sa naturang pagsalakay.

Malinaw na nais magtago ng operasyon ng pabrikang ito dahil sa puwesto nito sa likod ng gasolinahan. Hindi madaling pasukin ang pabrika dahil dalawang pasukan ang kailangang daanan bago marating ang pabrika. Dinatnan ng BIR at NBI ang mga makina, iligal na sigarilyo, pekeng revenue stamps, tabako, at iba pang materyales.

Marumi ang pabrika dahil nasa lapag lang ang tabako na ginagamit sa paggawa ng mga iligal na sigarilyo.

Kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon ang mga may-ari ng nasabing pabrika. Ang pabrika ay lumabag sa mga sumusunod na sections ng National Internal Revenue Code (NIRC): Section 263,
Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax Without Payment of the Tax; Section 265-B, Violations Committed by Manufacturers, Importers, Indentors, and Wholesalers of Any Apparatus or Mechanical Contrivance Specially for the Manufacture of Articles Subject to Excise Tax and Importers, Indentors, Manufacturers or Sellers of Cigarette Paper in Bobbins, Cigarette Tipping Paper or Cigarette Filter Tips.

Lumabag din ito sa Section 260, Unlawful Possession of Cigarette Paper in Bobbins or Rolls, Etc.; Section 255, Failure to File Return, Supply Correct and Accurate Information, Pay Tax Withhold and Remit Tax and Refund Excess Taxes Withheld on Compensation; Section 254, Attempt to Evade or Defeat Tax; Section 145, Cigars and Cigarettes; at Section 236, Registration Requirements of the NIRC.