BIR CALOOCAN TOPNOTCHER SA TAX COLLECTIONS

Erick Balane Finance Insider

MAGANDA ang tax mode ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Caloocan City sa kabila ng pinsalang idinulot ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya at negosyo matapos na makuhang makabangon sa shortfall na tinamo nito, bagay na nagbigay sigla kay BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay, na kumpiyansang makukuha  ang P2.3 trillion tax collection goal bago magtapos ang 2020.

Hindi naging hadlang ang nalalapit na pagreretiro ni Caloocan City BIR Regional Director Grace Javier upang lalo itong magsipag at makakolekta ng P2.072 bilyon na buwis nito lamang nakaraang buwan o nag-increase ng 14.81 percent.

Sa tax collection data performance, pumangalawa kay Javier si Makati City-B Director Glen Geraldino, sumunod sina Makati City-A  Director Maridur Rosario, Manila Director Jethro Sabariaga, Quezon City-A Director Albin Galanza at QC-B Director Romulo Aguila, Jr.

Topnotcher naman si CPA/Lawyer Rufo B. Ranario ng Valenzuela City Revenue District Officer, pumangalawa ang Plaridel, Bulacan; pa­ngatlo ang Sta. Maria, Bulacan; pang-apat ang Caloocan City at kasunod ang Navotas/Malabon revenue district office.

Ginalugad ni RDO Rarario ang lahat ng business establishments sa Valenzuela City, may mga ipinasarang establisimiyento at isinailim sa masusing imbestigasyon ang mga pasaway na negosyante sa siyudad na nagbunga ng pagtaas ng tax collection nito sa takot ng mga taxpayer na makasuhan sila ng tax evasions dahil sa pandaraya at ‘di pagtupad sa kanilang yearly tax obligations.

“Yun lang naman ang gusto ko, ang makipag-cooperate ang mga negosyante sa BIR para matulu­ngan ang Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte na makak­o­l­ek­ta ng sapat na buwis para itustos sa panga­ngailangan ng samba­yanan at sa paglalaan ng gastusin sa mahahalagang proyekto gaya ng ‘Build Build Build’ program,” ani RDO Rufo Ranario.

Ang massive tax  campaign sa buong siyudad ng Valenzuela City ay ginawa ni RDO Rufo matapos nitong madiskubre na karamihan sa mga negosyante sa kanyang nasasakupan ay nagsipag-file lang ng tax returns, at hindi nagbayad ng buwis at ang idinahilan ay ang pandemya.

“Hindi ito puwede, hahabulin ko silang talaga. Mantakin mo nag-file lang sila ng tax return noong nakaraang tax deadline pero hindi nagbayad sa bangko ng kaukulang buwis. Ang nangyari, pinatawan ko sila ng 25 percent surchage at 25 percent penalties,” paliwanag ni RDO Rufo.

Ang pagsigla ng tax collection performance ng mga distrito na sakop ng Caloocan City regional office sa kabila ng pananalasa ng COVID-19 ay indikasyon ng unti-unting pagbangon ng ekonomiya, negosyo, kalakalan at pananalapi sa bansa.

Ang pagtaas ng tax collections ng BIR Caloocan City regional office ay tumutugma sa medium-term program ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ukol sa koleksiyon sa buwis na tataas ng hanggang 10.5 percent mula sa P2.3 trillion sa taong ito, 12.3 percent para sa susunod na taon at 11.7 percent naman para sa taong 2022.

Ang BIR ay naatasang kumolekta ng P2.371 trillion sa taong ito, P2.914 trillion sa 2021 at kabuuang P3.287 naman sa  2022.

oOo

Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09266481092 o mag- email sa [email protected].

Comments are closed.