ARESTADO ng mga pulis, kasama si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, ang isang empleyado ng BIR sa isang entrapment operation habang nangingikil ng pera sa isang establisimiyento noong nakaraang Pebrero 14.
Nakakulong na ngayon ang hindi pa pinangangalanang suspek.
“Ipinangako ko ang integrity and professionalism of the institution and employees. Kaya hindi natin palalagpasin ang mga ganitong gawain. Walang lugar sa bagong BIR ang mga ganitong empleyado”, sabi ni Commissioner Lumagui.
Nakatanggap ng mga report ang BIR na isang indibidwal ang paulit-ulit na nangingikil ng pera mula sa isang establisimiyento na nagtitinda ng bisikleta.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na ginagamit ng suspek ang BIR tax compliance verification drive sa kanyang tiwaling gawain.
Bukod dito ay hindi rin saklaw ng trabaho ng suspek sa BIR ang magtungo sa lugar o bisinidsd ng taxpayer.
Inihain na ang mga kasong robbery (extortion), grave coercion at usurpation of official function/authority, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees laban sa suspek sa Office of the City Prosecutor.
“All BIR officials conducting enforcement activities must be armed with the proper authority either a Letter of Authority or Mission Order. Taxpayers can always ask and verify the authority by which a BIR employee is visiting their office or business. You can report any individual, whether a BIR employee or a stranger, if he/she cannot show any official document that warrants his/her presence in your business establishment”, sabi ni Commissioner Lumagui.