ANG examiner ng Bureau of Internal Revenue na si alyas Dennis ay pinatay na umano ng kidnap-robbery syndicate kung saan sinunog pa ang bangkay nito pero ang bahagi ng kanyang braso na may ‘tattoo’ ni Jesus Christ ay ipinadala sa kanyang pamilya na matagal nang naghahanap sa kanya.
Ang dalawa pang sinasabing sanggang-dikit ni alyas Dennis na parehong may alyas na Zaldy ay dinukot na rin ng umano ng sindikato at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita.
Ibinunyag ito ng isang informer na ‘buddy-buddy’ ni alyas Dennis. Alam ng informer na posibleng isunod na rin siyang dukutin kaya nagpasiya itong magtago sa isang ospital at nagkunwaring pasyente.
Ayon sa informer na isa ring kawani ng BIR, bilang kilalang breeder ng mga panabong na manok, ang kanyang kumpareng si alyas Dennis ang numero uno niyang kliyente sa pagbli ng panabong na manok.
Aniya, ang isang alyas Zaldy ay miyembro ng Philippine National Police (PNP) at ang isa pang alyas Zaldy ay kaanib naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ang mga ito ay dinukot umano ng nasabing grupo dahil sa mga nalalaman ng mga ito sa kanilang aktibidad.
Ayon sa impormante, galing kay alyas Dennis ang listahan ng ranking BIR officials na naging biktima ng sindikato na matapos dukutin ay agad pinatubos sa kani-kanilang pamilya at nilolooban naman ang bahay saka tinangay ang mga kaha de yero na naglalaman ng milyon-milyong piso.
Sapul nang simulan ng sindikato ang kanilang ilegal na aktibidad, umabot na umano sa 22 ang bilang ng BIR officials na kanilang nabiktima pero hangang ngayon ay hindi pa rin malutas dahil wala ni isa sa mga biktima ang lumantad upang magreklamo.
Sinabing isang ‘manhunt operations’ ang inilunsad ng binuong ‘special task force’ para malansag na ang sindikato pero blangko ito kung paano sisimulan ang imbestigasyon sa kawalan ng complainant.
Nagpasiya na umano ang mga opisyal ng BIR na armasan ang kanilang sarili laban sa nasabing grupo bilang proteksiyon.
Ibang kaso naman ang nangyari kay QC-North RDO Teddy Huelba at sa tatlo nitong group supervisors na pinadalhan ng sulat na naglalaman ng mga bala ng baril. Bago pinadalhan ng sulat si RDO Huelba, isa pa nitong group supervisor na nakilala sa alyas na Edizon ang pinadalhan naman ng korona ng patay. Si RDO Huelba ay nakatakda nang magretiro at ang mga supervisor na kasama nito sa ‘death threat’ ay sinasabing pawang malapit sa kanya.
Samantala, dalawa na at posibleng madagdagan pa ang RDOs na pormal na nagbitiw sa puwesto sa takot na madamay ang kanilang pamilya.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.