ZAMBOANGA DEL NORTE-KALABOSO ang binagsakan ng isang kawani ng Bureau of Internal Revenue Office-RDO 91 nang maaktuhan sa robbery extortion ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation – Dipolog District Office (NBI-DIPDO) sa Dipolog City kamakailan.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang suspek na si Renan Hechanova y Alforque, examiner ng BIR-RDO 91 sa nabanggit na lungsod.
Sa pahayag ni NBI Director Distor, nakatanggap ng reklamo ang NBI-DIPDO mula sa isang trader laban kay Hechanova kaugnay sa Letter of Authority ng BIR-RDO 91 na may petsang Nobyembre 2021 kung saan nakasaad na mayroon itong tax deficiency na P4.5 milyon.
Ayon sa nagreklamong trader na tumawag sa kanya ang isang personnel ng BIR, Dipolog City noong Disyembre 2021 kung saan humihingi ng P400K bilang settlement sa kanyang tax deficiencies.
Nabatid din sa NBI na pinagbantaan ang biktima na kapag hindi nag- comply sa nasabing halaga ay mapipilitang ipadala ang kanyang kasong tax deficiency sa BIR Regional Office sa Zamboanga City kung saan siya magbabayad ng P4.5 milyon.
Dahil Dito, nagtungo sa BIR office ang biktima kung saan nakipag-usap at humingi ng palugit na araw sa BIR examiners na sina Hechanova at Benjie Sumalpong para makapagbigay ng P400-K.
Sa pakikipag-ugnayan ng biktima ay isinagawa ang entrapment operation ng mga operatiba ng NBI laban sa suspek sa loob ng BIR office kung saan ito nasakote noong Enero 18 ng hapon.
Narekober ang marked money na ginamit sa entrapment operation laban kay Hechanova na sinasabing lumabag sa mga kasong may kaugnayan sa Article 294 (Robbery with violence against or intimidation of persons) sa ilalim ng Revised Penal Code; paglabag sa R.A. 3019 (Anti-Graft and Practices Act); at paglabag sa R.A. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
MHAR BASCO