UMABOT na sa 12 ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na sinasabing biktima ng serial robbery gang at kidnap for ransom group na pinapasok ang bahay ng mga taga-BIR para tangayan ng malaking halaga o dukutin para ipatubos sa hinalang nag-iingat ang mga ito ng ‘ill-gotten wealth’ o mga perang naipon mula sa umano’y pangungulimbat sa nabibiktimang taxpayers.
Ang pinakahuling biktima, ayon sa source, ay isang examiner na naka-assign sa BIR Revenue District Office sa Cainta at may alyas na Dennis, sinasabing isang kilalang sabungero na eksaktong isang linggo na ngayong nawawala mula nang dukutin umano ng mga armadong lalaki.
Nang magsimula ang serial robbery at kidnap for ransom sa BIR ay nagsimula na ring hindi magsipasok sa opisina ang mga regional director at revenue district officer sa Metro Manila. May nagsasabing ang ilan ay opisyal na nakabakasyon (out of the country/out of town), nasa seminars, naka-confine sa ospital, may sakit at nagretiro o nag-resign.
Mayroon ding BIR officials na sandali lamang nagtatagal sa kanilang opisina. May nagsasara ng pinto at ayaw makipag-usap kaninuman o sa tax-payers at ang iba ay tila lulubog-lilitaw o sumisilip lamang sa kanilang opisina para pumirma ng dokumento at mabilis pa sa alas-4 ay nawawala.
Tila hindi normal ang takbo ng transaksiyon ngayon sa BIR. Wala kang daratnang opisyal sa mga opisina. Madalas ay pending ang tax cases dahil walang signatories. Sa madaling salita, maaaring maging dahilan ito ng pagbagsak ng tax collections.
Blangko, maging si BIR Commissioner Caezar ‘Billy’ Dulay sa kung paano mareresolba ang problemang ito sa BIR. Ang dahilan, wala ni isang biktima na lumulutang upang maghain ng reklamo kaya hindi rin makakilos ang mga awtoridad para simulan ang imbestigasyon.
Ang sinasabing pinakahuling biktima na isang alyas Dennis ay kilala umanong sabungero na kung magpatalo sa sugal ay malakihan o mula P50,000 hanggang P100,000. Laman umano ito ng mga sabungan, kung hindi cash ay tseke ang iniisyu nito sa pagtaya sa mga derby ng manok.
Mula sa BIR office sa Cainta ay nagtuloy umano ito sa isang sabungan na may dalang malaking halaga. Mula noon hanggang sa kasalukuyan ay hindi na umano nakita pa si alyas Dennis.
Si alyas Dennis ang sinasabing ika-12 biktima ng kidnap for ransom at serial robbery gang.’ Siya rin ang may pinakamababang ranggo na nabiktima. Ang mga nauna ay may ranggong deputy commissioner, assistant commissioner, regional director at revenue district officers.
Hanggang ngayon ay walang nagsasalita o nag-iingay tungkol sa isyung panloloob at pagdukot dahil ang mga biktima ay takot umanong lumantad para magreklamo dahil takot din silang matanong kung bakit sila nagkaroon ng malaking halaga sa kanilang pamamahay.
Sa takot na mabiktima, ilan sa mga opisyal ng BIR, ayon sa source, ay mabilis na nagpasiyang magsipaglipatan sa condominium unit para magtago at para na rin sa kaligtasan ng kanilang pamilya laban sa sindikato.
“The Bureau of Internal Revenue is both surprised and alarmed at the news report that came out in one of the leading papers in the country of two RDOs who were alledgedly victimized by a kidnap-for-ransom gang. The tax agency said that the news reports of the alleged kidnapping is unverified and the amount quoted is speculative and without basis yet at this time. Although unverified and unconfirmed, the BIR is seriously looking into the alleged incident to determine its varacity and to undertake the necessary actions, implementing security plan to protect its revenuers,” ayon sa official statements ng BIR Tax Information and Education Division.
Bago pa si alyas Dennis ay naunang nabiktima sina alyas Cezar, alyas Combs, alyas Iinday at alyas Cory, na pawang nilooban ng mga armadong lalaki at nilimas ang kanilang kaha de yero.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.