BIR EXEC INIREKLAMO SA AMLC

ISANG opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang inireklamo sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at copy furnished sina Executive Secretary Lucas Bersamin at BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr.

Sa kanyang sulat-reklamo, inilahad ng isang alyas Jerry kay Atty. Mathew M. David, executive director ng AMLC, ang umano’y pagkakaroon ng mahigit P800-milyong ill-gotten wealth ng naturang opisyal.

“Personal ko pong nalalaman itong mga ill-gotten wealth ng BIR official tulad ng 4 na bahay at lupa sa National Capital Region na nagkakahalaga ng P250-milyon; 2 bahay at lupa sa Region IV-A na nagkakahalaga ng P150-milyon; at kung sino ang mga ginamit niya bilang dummy sa kanyang bank deposits na nagkakahalaga ng P500-milyon. Bukod pa po dito ang mga alahas niya at mga sasakyan na nagkakahalaga naman ng mahigit sa P20-milyon,” ayon sa sumbong ng complainant.

Sa kanyang reklamo, sinabi niya na batid niya ang mga ginamit na “dummy” sa ill-gotten wealth ng nasabing BIR official na pawang mga ordinaryong empleyado lamang.

Ayon sa kanya, bagaman alam niya ang lahat ng impormasyon ukol dito ay wala naman siyang kakayahan sa paper trail nito na maaaring makuha sa Office of the Building Official o Assessor’s Office dahil sa kawalan niya ng karapatan at ang tanggapan lamang ng AMLC ang ahensiya ng pamahalaan na may karapatang magkalap ng mga ebidensiya, kasama na sa pribadong tanggapan tulad ng mga bangko.

Paniwala rin niya na mayroon din itong properties sa ibang banss.

Ayon sa complainant, naghain na rin siya ng reklamo laban sa naturang opisyal sa ibang mga ahensiya ng pamahalaan noong mga nakaraang administrasyon ngunit hindi pa ito umuusad kaya dumulog na siya sa tanggapan ng AMLC na inaasahan niyang makapagbibigay ng hustisya sa kanyang reklamo.

Binigyang-diin niya na ang tanging hangad niya ay ang mapatalsik ang nasabing opisyal para matigil na ang mga ginagawa nitong katiwalian.

Ito, aniya, ay dapat kasuhan para maparusahan at mabawi ang mga nawala sa gobyerno.

“Hindi po muna ako magpapakilala sa inyo bilang proteksiyon sa aking buhay pero tinitiyak kong ako ay tatayong testigo laban sa kanya at isasalaysay ko ang mga pangyayari para mapatunayang kong ang mga ituturo kong ill-gotten wealth nito ay kanyang pag-aari,” anang complainant.

“I will also try to get the attention of lawmakers in both houses of Congress for them to conduct an investigation in aid of legislation so as to prevent corruption or nefarious activities in the BIR hoping that the filing of other criminal charges against this official shall be recommended as I firmly believe that the only solution to this is to send a corrupt officials to jail,” dagdag pa niya.

vvv

(Para sa komento, mag-email sa drerickcba­lane@gmail.com o tumawag sa 09266481092.)