BIR EXECS MAGBIBITIW DAHIL SA KFR?

Erick Balane Finance Insider

HINDI na makakilos nang maayos at matinding takot ang nangingibabaw nga­yon sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa patuloy na pag-atake ng kidnap for ramsom syndicate.

Marami sa hanay ng regional directors (RDs) at revenue district officers (RDOs) ang nagbabalak umanong magsipagbitiw na sa puwesto dahil sa sunod-sunod na pambibiktima ng KFR sa naturang ahensiya.

Ayon sa source, hindi lang pala sa BIR umaatake ang KFR. Marami na rin umano sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naging biktima na rin ng KFR gang.

Gaya sa BIR, tahimik at wala ring nagtangkang magsampa ng reklamo sa mga naging biktima ng sindikato sa BOC at DPWH. Iisa ang style ng sindikato at ito ay ang dukutin at ipatubos ang mga biktima, gayundin ang ­tangayin ang perang itinatago ng mga opis­yal sa kanilang bahay.

Ilan sa mga opisyal ng BIR ang nauna nang nag-resign sa pangambang madawit ang kanilang pamilya o matangayan ng salapi.

Pinaniniwalaang nalansag na ang ­unang grupo ng KFR na umano’y na-corner ng mga awtoridad sa isang lugar sa probinsiya na nahulihan ng mga armas. Nakapag-bail umano ang grupo pero sinasabing napatay rin ang ilan sa mga ito sa iba’t ibang lugar.

Ang ikalawang grupong aktibo nga­yon, ayon sa source, ay pinamumunuan ng isa sa nakaligtas sa unang grupo.

Mayroon nang mga naunang nagsipagbitiw na RDO, lima pa sana ang susunod na magbibitiw pero napakiusapan ng BIR top management na manatili sa puwesto sa pangakong gagawa ng kaukulang aksiyon para madakip ang nasa likod ng KFR.

Umaabot na sa mahigit 30 opisyal ng BIR ang nabiktima ng KFR ngunit wala isa man sa mga ito ang nagharap ng reklamo sa takot na balikan sila ng sindikato.

Una nang pumabor ang mother department ng BIR, ang Department of Finance (DOF), na armasan ang mga RDO pati na ang mga RD upang maproteksiyunan ang kanilang mga sarili laban sa sindikato, subalit masusi pa itong pinag-aaralan ng nasabing tanggapan.

Ang mga awtoridad ay handa nang magsagawa ng  ‘manhunt operation’ laban sa sindikato ngunit ang tanging problema ay wala pa ring lumalantad para magbigay ng impormasyon.

Karamihan sa sinasabing mga naging biktima ng sindikato, ayon pa sa source, ay pawang nakatalaga sa Metro Manila na hu-mahawak ng mataas na posisyon.

Sa kasalukuyang sitwasyon ay malaki ang posibilidad na maapektuhan ang tax collection goal ng BIR lalo pa’t nasa P2.3 trillion ang pinakokolekta sa kanila ngayong fiscal year.



Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.