BIR EXECS NASA ‘HOT WATER’

Erick Balane Finance Insider

NAHAHARAP sa mabigat na pagsubok ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na naatasan ng Malacañang na imbestigahan ang mahigit sa 100 opisyal at kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na sinasabing nagsipag-liban o inabandona ang kanilang trabaho para lamang sa isang golf tournament  na ginanap kamakailan sa Baguio City.

Nairita umano si Pangulong Rodrigo Duterte nang makarating sa kanyang  kaalaman ang bagay na ito dahil sukdulang ginawang prayoridad ng nasabing mga BIR official at employee ang kanilang luho na naging dahilan ng pagkakaantala ng mga transaksiyon dahil walang awtoridasong pumirma sa payment forms ng mga taxpayer.

Ang PACC, sa pamamagitan ng Executive Order No. 43, ay binigyan ng mandato ni Presidente Duterte na labanan at sugpuin ang korupsiyon sa la-hat ng departament, bureaus, offices at iba pang sangay ng gobyerno. Kabilang ang Department of Finance (DOF) sa 32 government agencies sa na-deputize ng PACC alinsunod sa utos ng Chief Executive na wakasan ang korupsiyon sa bansa.

Ang RIPS (Revenue Integrity Protection Service) ng DOF ang mag-iimbestiga umano sa ilang opisyal at empleyado ng BIR na sinasabing nag-abandona sa kanilang trabaho kamakailan para lumahok sa isang golf tournament sa Baguio City habang ang PACC naman ang magsisiyasat sa mga Presidential appointee gaya ng deputy commissioners, assistant commissioners, service chiefs, division chiefs, regional directors, assistant regional di-rectors, revenue district officers, assistant RDOs, group supervisors at examiners.

Ang iba pang PACC-deputized government agencies, bukod sa DOF, ay ang Department of the Interior and Local Government, Department of La-bor and Employment, Department of Agriculture, Department of Budget and Management, Department of Justice, Department of Agrarian Reform, Department of Public Works and Highways, Department of Health, Department of Environment and Natural Resources, Department of Foreign Affairs, Commission on Audit, Civil Service Commission, Land Transportation Office at ang Philippine National Police.

Ang mga ahensiya na nasa ilalim naman ng pamamahala ng DOF na babantayan ng RIPS laban sa katiwalian, bukod sa BIR, ay ang Bureau of Cus-toms, Bureau of Treasury, Bureau of Local Government Finance, Cooperative Development Authority, Insurance Commission, National Tax Research Center, Central Board of Assessment Appeal, Philippine Deposit Insurance Corporation, Philippine Export-Import Credit Agency, Privatization and Management Office at Securities and Exchange Commission.

Ayon sa source, nadiskubre ng BIR top management sa pamamagitan ng Human Resources department nito na mula Marso 5 hanggang Marso 8, 2019 o apat na araw ay marami sa mga opisyal at kawani ng BIR ang hindi nagsipasok o hindi nag-report sa kanilang duty-assignments dahil sa pagla-hok sa isang golf tournament sa Baguio City. Ang nasabing tournament ay idinaos umano noong  Marso 9, 2019 at sponsored umano ng tinaguriang ‘Dugong Bughaw’.

Walang record sa HR na nag-file ng kanilang va­cation ang karamihan sa nasabing mga opisyal at ­empleyado. Sinabi ng source na nagsipasok pa noong Marso 4, 2019 para dumalo sa flag-raising ceremony ang mga nabanggit ngunit kinabukasan ay hindi na umano nagsipag-report sa kanilang duty- assignments.



Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.