BIR EXECS PALABAN VS CRIMINALS

Erick Balane Finance Insider

HANDA nang makipagsabayan ang mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue sa mga kriminal na nasa likod ng ‘kidnap for ransom gang’ at ‘robbery group’ na nambibiktima sa kanilang hanay.

Napag-alaman na nagkusa na ang mga opisyal ng BIR na armasan ang kanilang sarili para maging handa laban sa mga kriminal na nanliligalig sa kanila at protektahan ang tax collections ng Kawanihan sa harap ng lumalalang sitwasyon sa pagdami ng mga nabibiktima ng nasabing sindikato.

Sa isang eksklusibong panayam, sinabi ng isang Revenue District Officer sa Metro Manila na kailangan nilang maging matapang sa panahong ito, lalo na kung ang pinipinsala ay ang koleksiyon sa buwis na pangunahing pinagkukunan ng pondo ng bayan.

“Hindi kami basta na lamang matatakot sa sinumang elemento na gustong guluhin ang koleksiyon sa buwis sa pamamagitan ng pananakot at pagbabanta. Nandito kami at kaya naming itaya ang aming buhay para sa bayan,” anang RDO na ayaw ipabanggit ang pangalan.

Buo ang loob at kargado ng lisensiyadong baril, bukod sa nakasuot ng ‘bullet proof’ ay gumamit na rin sila ng sariling private bodyguards bilang proteksiyon.

Matapos ang diumano’y sunod-sunod na ‘kidnap-robbery’ ng sindikato sa mga opisyal ng BIR, wala naman ni isa sa kanila ang lumulutang para maghain ng rek­lamo kaya hanggang ngayon ay blangko ang mga awtoridad sa kaso.

Isang RDO na nakatalaga sa BIR Manila ang kamakailan ay nakatanggap umano ng ‘death threat’ sa telepono. Nasundan ito ng pagpapadala ng bulaklak ng patay sa isang group supervisor sa BIR North, Quezon City na nakilala lamang sa alyas na ‘Edizon.’

Kinabukasan, mismong ang kanyang RDO sa QC North,  gayundin ang tatlong pang kapwa niya group supervisors, ang tumanggap din umano ng sulat kung saan nakapaloob sa sobre ang apat na bala ng baril.

Bago ang mga pagbabantang tinatanggap ng mga opisyal ng BIR, lima pa sa kanilang hanay ang nadagdag sa sinasabing  biktima ng ‘kidnap-robbery’ syndicate.

Diumano ay umaabot na sa 19 ang bilang ng mga naging biktima ng sindikato at ni isa sa mga ito ay walang nagtangkang magreklamo dahil sa takot na balikan ang kanilang pamilya.

Sa mga pinakahu­ling biktima,  isa rito  ay mula sa Southern Tagalog, dalawa sa Central Luzon at isa sa BIR Makati City.

Ang mga biktima ay kinilala lamang sa mga alyas na ‘Dante’, ‘Rene’ at ‘Grace’  mula sa San Pablo City, Angeles City at San Fernando, Pampanga habang walang detalye sa pagkakakilanlan ng da­lawang iba pa na mula naman sa Makati City.

Dahil umano sa takot na madamay ang kanilang pamilya, pormal namang nagharap ng resignation kay BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay ang RDOs ng BIR Marikina City at BIR Mandaluyong City.

Dalawa pang group supervisors na nakatalaga sa Large Taxpayers Service ang nauna nang nabiktima ng sindikato matapos na looban ang kanilang bahay at tangayin ang kanilang kaha de yero na puno umano ng pera na hindi binanggit ang kabuuang halaga. Sila ay kinilala lamang sa mga alyas na ‘Espiritu’  at ‘Mariquit’.

Isa pang alyas ‘Dennis’, examiner na nakatalaga naman sa Cainta Revenue District Office, ang dinukot din ng mga armadong lalaki at hindi na ito nakita pang muli.

Mayroon umanong listahan ang sindikato kung sino-sino ang kanilang bibiktimahin.



Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa  09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.