MALABO nang makolekta pa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang hinahabol na P50 bilyong buwis bilang additional taxes sa mga Chinese worker ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) matapos na unti-unti umanong maglayasan ang mga ito para ituloy ang kanilang negosyo sa Indonesia, Thailand at Singapore.
Una nang ibinuking ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III na karamihan sa POGOs sa bansa ay hindi tumutupad sa kanilang tax obligations. Isa ito sa mga dahilan kung bakit pursigido ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa isinasagawa nitong imbestigasyon para habulin ang mga buwis na hindi nababayaran, kabilang ang sa prangkisa at withholding taxes.
Bukod sa Kongreso, may sarili ring imbestigasyong isinasagawa ang DOF at BIR sa pamamagitan ng itinatag na task force POGO dahil sa pagdududa na sa halip na P20 bilyon ang bayaran nitong buwis noong 2019 ay umabot lamang sa P6 bilyon, at P1 bilyon lamang noong taong 2018.
Sinabi ng source na sa pitong grupong nagpapatakbo ng POGOs sa bansa, lima rito ay nakipagkasundo na sa Indonesia, Thailand at Singapore at halos 30% na lamang ang naiwan na posibleng sumunod sa mga naunang batch para umano’y takasan ang buwis.
Ang online gaming operations ng POGO ay nadiskubreng nagsimula noon pang 2003. Nagsimula ito na may 80,000 empleyado na ilegal na nagtatrabaho sa bansa. Minimal income lamang ang pakinabang ng gobyerno at napupunta lamang sa bulsa ng ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan.
“Since January 15, 2020 at least 2,000 or 3% of Chinese nationals who were illegally working in POGOs and in other fraudulent offshore operators have been repatriated to our country,“ sabi pa ng source.
Sa ginawang pag-aaral, lumabas na mula sa umano’y nakolektang buwis na P73.72 milyon noong 2016, tumaas ito sa P3.12 bilyon noong 2017, bumaba naman sa P6.11 bilyon noong 2018 at P5.3 bilyon na lamang sa taong 2019. Sa unang quarter ng 2020, nag-contribute ito ng P1.8 billion sa regulatory fees at umabot sa kabuuang P20.83 bilyon ang binayaran mula 2016 hanggang 2020 para sa application, processing at regulatory fees sa BIR para sa corporate at employees income tax, sa PAGCOR (Philippine Gaming Corporation) para sa franchise tax, sa BI (Bureau of Immigration) para sa VISA fees at sa LGUs (local government units) para sa local taxes.
Para lamang sa taong 2019, ang gobyerno ay nakakolekta ng P14.28 bilyon – P6.42 bilyon dito ay direct taxes mula sa POGOs, P2.82 bilyon sa value added tax, P3.25 bilyon sa withholding at P1.48 bilyon sa excise tax.
Una nang inihayag ng BIR at DOF na kaya nilang makakolekta ng P2 bilyong buwis sa mga Chinese worker ng POGOs kada buwan o P24 bilyon o posible pang umabot sa P50 bilyon kada taon bilang karagdagang taxes.
“We should also make sure that every taxpayer is treated fairly. We will go after foreign nationals and the employers, such as those in the POGO industry, who fail to withhold and remit their contributions to pay for the public goods and services that we all use and enjoy,” ani Secretary Sonny.
Maraming ulit nang i-raid ng BIR at iba pang intelligence agencies ang operations ng POGOs dahil sa umano’y ilegal na gawain. Sa kabila nito, umaasa pa rin ang gobyerno na masisingil nila ang POGOs sa pagkakautang nito sa buwis.
oOo
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.