KUMPIYANSA si Finance Secretary Benjamin Diokno na makokolekta ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr. ang iniatang na P2.5 trillion tax collection goal sa Kawanihan o maaaring mahigitan pa ito bago matapos ang 2023 taxable year.
Sapul nang maupo bilang chief ng BIR si Lumagui ay walang humpay ang isinasagawang massive tax campaign nito gaya ng pagbuwag sa sindikato ng ‘fake receipts and sales invoices’, paghabol sa smuggling ng ‘untaxed’ cigarettes and branded liquor, gayundin ang pagpapasara sa mga business establishment na nandaraya sa pagbabayad ng buwis.
Ang tax goal ng BIR na P2.5 trilyon ay mas mataas ng 31.6% kung ihahambing sa nakolektang buwis sa nakalipas na taon.
Bagama’t hindi pa nagpapalabas ng opisyal na ulat ang DOF statistical section hinggil sa koleksiyon ng buwis sa regional at district levels sa Metro Manila, sinasabi sa nakalap na datos na ang BIR ay nakakolekta ng halos P1.1 trilyon noong taxable 2022 na hamak na mas mataas ng P0.9 trilyon sa nakolektang buwis noong 2021.
Ang pagtaas ng buwis ay sanhi ng mabuting pagpapatupad ng mga batas sa buwis at paraan sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya matapos tayong makaranas ng pandemya.
Hindi pa naglalabas ng opisyal na ulat ang DOF at BIR sa kung sino ang posibleng mapasama sa Top 10 Metro Manila collectors ngayong 2023 sa pagtatapos ng tax collections sa Disyembre.
Gayunman, batay mismo sa nakalap na datos sa BIR, ang mga itinanghal na Top 10 collectors sa hanay ng BIR Regional at Revenue District Office sa Metro Manila noong 2022 fiscal year ay ang mga sumusunod:
1. Quezon City Region – QC District Office
2. Makati City Region – East Makati District Office
3. Makati City Region – West Makati District Office
4. Manila City Region – San Nicolas District Office
5. Quezon City Region – North-QC
6. Manila City Region – Ermita District Office
7. Manila City Region – Intramuros District Office
8. Makati City Region – Makati (LTS) Large Taxpayers Service
9. Quezon City Region – LTS-QC
10. Manila City Region – San Juan/Mandaluyong District Office
Walang tulak-kabigin ang performance ng mga regional director at revenue district officer sa Metro Manila ngayong taon.
Inaasahang magiging dikdikan ang labanan sa pagkolekta ng buwis dahil sa magandang ipinamamalas na tax collection performance ng mga ito.
Wala pa ring opisyal na ulat sa tax collections ang Large Taxpayers Service ng BIR National Office mula Enero hanggang Hulyo, subalit sa datos ng 2022 LTS collections, ito ay nakapagtala ng P1.4 trilyon at ito ay mas mataas kaysa sa nakolektang excise tax noong 2021 na P1.2 trilyon lamang.
Maganda ang ipinamamalas na tax collection performance ni Commissioner Lumagui magmula nang italaga ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos bilang BIR chief.
SI Lumagui ay tumanggap ng isang prestigious leadership award para sa kanyang mga pagsisikap na itaguyod ang mabuting pamamahala upang makamit ang pinakamataas na koleksiyon ng buwis sa kasaysayan ng BIR.