BIR KEY OFFICIALS BINALASA NI DULAY

Erick Balane Finance Insider

SA HANGARING mas mapataas pa ang tax collections ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at mapatatag ang integridad ng ahensiya, binalasa ni Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay ang hanay ng regional directors at revenue district officers, alinsunod na rin sa utos nina Pangulong Rodrigo Duterte at Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III.

Bagaman ramdam na ni Commissioner Dulay na posibleng makamit nila ang inaasam na tax collection goal ngayong fiscal year, minabuti pa rin niyang balasahin ang mga opisyal ng ahensiya.

Sa bisa ng Memorandum Order No. 424-2021, itinalaga ni Dulay sa mga bagong posisyon ang mga sumusunod:

  1. Esmeralda Tabule – regional director sa Davao City
  2. Emir Abutazil – regional director sa Cagayan De Oro City
  3. Nuzar Balatero – Technical Assistant sa Office ng Cagayan Regional Director (freezing capacity)
  4. Rodrigo Rivamonte – regional director sa Butuan City
  5. Emmanuel Ferrer – assistant regional director sa Makati City.

Bukod sa mga naturan ay may 21 iba pa na itinalaga sa mga bago nilang posisyon.

Sinabi ni Commissioner Dulay na sa mga susunod na araw ay patuloy niyang isasagawa ang balasahan sa kawanihan.

May posibilidad na masibak din sa puwesto o malagay sa ‘freezing capacity’ ang hepe ng Large Taxpayers Service (LTS) matapos ang sunod-sunod na pagbagsak ng tax collections nito.

Ilan sa hanay ng mga regional director ang pinagpipilian para ilagay sa puwesto nito.

Handa naman ang BIR na harapin ang mas matinding hamon sa huling yugpo ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022 kung saan nasa P3.312 trilyon ang tax collection goal nito, na mas mataas ng 12.49% kumpara sa 2021 tax goal.

“ Ang lahat ng ito ay kaya naming harapin basta sama-sama at nagkakaisa ang mga key revenue official sa tamang pagkolekta ng buwis para sa bayan,” ani Commissioner Dulay.

Sinabi pa ng BIR chief na malaki ang naiambag nina Metro Manila BIR Regional Directors Ed Tolentino (East NCR), Albino Galanza (Quezon City), Jethro Sabariaga (City of Manila), Gerry Dumayas (City of Caloocan), Ed Pagulayan (South NCR) at Maridur Rosario (City of Makati) sa ipinamalas nilang tax collection performance kaya nahigitan nila ang kani-kanilang tax goal bago pa man matapos ang taxable year 2021.

Ilan pa sa labas ng Metro Manila na nagpamalas ng magandang tax collection performance ay sina BIR Regional Directors Dante Aninag ng Cavite-Batangas-Mindoro-Romblon (CaBaMiro); Gregg Buhain ng Laguna-Quezon-Marinduque (LaQueMar); Josephine Virtucio ng Calasiao, Pangasinan; Mahinardo Mailig ng Iloilo City; at Glen Geraldino ng Cebu City.

Nagbabala si Commissioner Dulay sa mga key official ng BIR na pag-igihin ang kanilang tax collections duty dahil posibleng masibak sila sa puwesto o malagay sa freezing capacity sa sandaling bumagsak ang kani-kanilang koleksiyon.

Sinabi ng BIR chief na sa panahon ngayon ng pandemya sanhi ng COVID-19  ay dapat maging masigasig ang mga regional director at revenue district officer sa kanilang tax collection performance dahil dito nakasalalay kung mananatrili sila sa puwesto o mabibigyan ng promosyon.

Bagaman  maraming nakatupad sa iniatang sa kanilang tax goal, marami rin naman sa mga ito ang bahagyang bumagsak ang koleksiyon dahil sa pagpapabaya sa kanilang tungkulin.

Ang BIR ay pinarangalan ng dalawang kapulungan ng Kongreso noong nakaraang taxable yrear dahil sa kabila ng pamiminsala sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic ay nagawa pa rin nitong makuha ang tax collection goal noong taxable year 2020.

vvv

 (Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09266481092 o mag- email sa [email protected])