PIRMA na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay para hatiin sa dalawa ang regional office ng Bureau of Internal Revenue sa Makati City at sa Quezon City.
Kung magkagayon, magiging 21 na ang bilang ng regional directors sa buong bansa mula sa kasalukuyang 19.
Ang dahilan, ayon kay Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, ay upang mas makapag-concentrate ang kawanihan sa tax collections lalo pa’t mas malaki ang nakaatang na tax collections goal sa BIR, gayundin sa Bureau of Customs (BOC), sa fiscal years 2019, 2020, 2021 hanggang sa huling taon ng termino ni Presidente Duterte sa 2022.
Ngayon pa lang ay abala na sa meetings ang mga opisyal ng BIR at BOC para pagsumikapan na makakolekta ng sapat na buwis para matustusan ang ‘Build, Build, Build’ program ng administrasyong Duterte na lilikha ng libo-libong trabaho at magbubukas ng mga bagong kalsada, bagong tulay, schools, hospitals, markets at railways.
Sa BOC, ipinagmalaki ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero na buwan pa lamang ng Enero ng taong ito ay umarangkada na ang pagkolekta nila ng import duties and other taxes at inaasahang makakamit ang tax goal na iniatang sa kanila ni Secretary Sonny Dominguez.
Sa pahayag ni Commissioner Guerrero, umaabot sa P48.15 bilyon ang kanilang nakolekta o mas mataas ng 17.9 percent kumpara sa P40.83 bilyon noong nakaraang taon. Ito ay nagtala ng actual collections na P45.63 bilyon sa target na 5.5 percent dahil nahigitan nito ang last year’s target collection na P677 bilyon mula sa orihinal na P592.9 bilyon.
Sa BIR, nakasalalay sa kamay ng mga regional director at revenue district officer ang magandang collection performance na inaasahan ni Secretary Dominguez na naniniwalang sila ang ‘susi’ para makamit ng kawanihan ang inaasam na tax collection goal ngayong fiscal year 2019 hanggang taong 2022.
Paniniwala ng mga tax expert, mas gaganda ang tax collection performance ng BIR sa planong paghahati sa dalawa ng BIR Makati at BIR Quezon City regional office.
Para sa taong ito, ang BIR ay umaasang makakokolekta ng P2.309 trillion, mas mataas ng 13.24 percent kung ihahambing noong nakalipas na taon, habang sa BOC naman ay P662.2 bilyon o mas mataas ng 13.19 percent kumpara noong nakaraang taon. Sa taong 2020, ang BIR ay pinakokolekta ng P2.617 trillion, mas mataas ng 13.13 percent sa 2019, samantalang sa BOC ay P748.2 bilyon o mas mataas ng 12.99 percent kumpara sa kasalukuyang tax goal.
Para sa taong 2021, ang BIR ay pinakokolekta ng P2.942 trillion, mas mataas ng 12.42 percent sa naunang taon, habang ang BOC ay P826.2 bilyon o mas mas mataas ng 10.43 percent. Sa huling taon ni Presidente Duterte sa Malakanyang sa 2022, ang BIR ay inatasang kumolekta ng P3.312 trillion, nag-increase uli ng halos 12.42 percent, samantalang ang BOC ay pinakokolekta naman ng P914.8 bilyon o mas mataas ng 10.17 percent.
Aminado ang BIR at BOC na isang malaking hamon ang sobrang taas ng tax goal na iniatang sa kanila, subalit umaasa ang mga opisyal na magagampanan nila ang kanilang tungkulin at maaabot nila ang tax collections goal. Kabilang sa mga ito sina Manila Regional Director Marina De Guzman, Makati City BIR Regional Director Glen Geraldino, Quezon City BIR Regional Director Jun Aguila, Caloocan City BIR Regional Director Manuel Mapoy, San Fernando, Pampanga BIR Regional Director Ed Tolentino at San Pablo BIR Regional Director Jethro Sabariaga.
oOo
Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.