SINUYOD ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga business establishment sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila sa pagpapaigting ng Oplan Kandado at tax-mapping campaign laban sa mga negosyante na hindi nagbabayad ng tamang buwis, hindi pagpaparehistro at sangkot sa mga ilegal na transaksiyon bilang bahagi ng kampanya ng gobyerno na mapataas ang koleksiyon ng buwis.
Ito ang naging susi para makuha ang kanilang tax collection goal mula Enero hanggang sa pagtatapos ng taon.
Karamihan sa mga lumabag sa mga probisyon ng National Internal Revenue Tax Code ay sinampahan ng kasong tax evasion sa korte dahil sa paggamit ng mga fake receipts at sales invoices, hindi rehistradong establisimiyento, paggawa, pagbenta ng mga pekeng sigarilyo at iba pang produkto na hindi binabayaran ng buwis.
Bagama’t aminado ang BIR na hirap silang makuha ang kani-kanilang tax goal, ikinatuwa naman nina Finance Secretary Ralph Recto at BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. ang ipinamalas na magandang tax collection performance nina Manila BIR Regional Director Bobby Mailig at Caloocan City BIR Regional Director Wrennolpf Panganiban makaraang makuha ng mga ito ang kani-kanilang tax collection goal.
Kabilang sa top collection performers sina Manila Revenue District Officers Trinidad Villamil (Intramuros), Cherry Ibaoc (Quiapo), Jefferson Tabboga (Paco), Agatha Kristie Buizon (Tondo), Caroline Takaya (Binondo), Rebe De Tablan (Sta. Cruz), at Rodante Caballero (Palawan).
Samantalang sa hanay ng mga RDOs sa Caloocan City ay nasa top rank sina RDOs Raymund Ranches at Romel Morente ng West at East Bulacan, kasunod sina Frits Buendia (Caloocan City), Ester Manalo (Valenzuela City) at Teresita Lumayag (Malabon City).
At sa Quezon City naman sa ilalim ni Director Rhodel Buenaobra ay nanguna sina Lorenzo Delos Santos (QC South), Alexander Onte (Novaliches), Renato Mina (Qc North) at Yolanda Zafra (Cubao, QC).