(BIR nagpatunay) BBM BAYAD SA TAX DUES

BINASAG ng kampo ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang paninirang ginagawa ng mga kritiko hinggil sa umano’y hindi niya pagbabayad ng buwis, nang ipakita nila ang sertipikasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpapatunay na mali ang lahat ng akusasyon laban sa dating senador.

Sa ipinatawag na press conference, mala-bombang pinasabog ang katotohanan ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni Marcos Jr., nang ipresenta niya ang BIR certification na inisyu noong Disyembre 9, 2021 na nagpapatunay na bayad na ng dating senador ang lahat ng buwis at multa hinggil sa kontrobersiyal na tax case.

Ang dokumento ay pirmado ni Arsenio Tomeldan ng Collection Section ng BIR Region No. 7B-East NCR ng Revenue District Office No. 42-San Juan na nagsesertipikang bayad si Marcos Jr. sa lahat ng ‘computation of deficiency income taxes and fines’ mula sa mga ‘taxable years’ ng 1982, 1983, 1984 at 1985.

Ang ‘total deficiency taxes and penalties’ na binayaran noong taong 2001 ay nagkakahalaga ng P67,137.27 na siyang eksaktong halaga na ipinag-uutos na punan ng 1997 Court of Appeals (CA) decision.

Pirmado rin ang naturang dokumento ni Revenue District Officer Thelma D. Mangio ng BIR’s Revenue District Office No. 42 – San Juan.

“This certification from the BIR is undeniable proof that former senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. complied with the payment of deficient taxes and fines as ordered in the 1997 CA ruling. This invalidates the ‘mother of all lies’ being propagated by some petitioners bent on derailing his presidential bid in the 2022 elections,” wika ni Rodriguez.

Partikular sa pinatungkulan ni Rodriguez ang petisyong inihain ng grupo ni dating Supreme Court (SC) spokesperson Theodore Te na humihiling na tanggalin sa balota ang pangalan ni Marcos Jr. bilang isa sa mga opisyal na kandidato sa pagkapangulo sa darating na 2022 national elections dahil sa ‘convicted’ ito sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Ani Rodriguez, ang petisyon para ipakansela ang certificate of candidacy ay hindi lamang panggulo sa kandidatura ni Marcos Jr. kundi isa ring malaking abala sa gawain ng Commission on Elections (Comelec).
Kung matatandaan, si Te at ilan pang petitioners ay nagsumite ng sertipikasyon mula sa Quezon City RTC Office of the Clerk of Court na nagsasabing hindi umano nagbayad ng buwis at multa si Marcos sa naging desisyon ng Regional Trial Court noong taong 1995 at CA noong 1997.

Sinabi ni Atty. Rodriguez na dahil walang malinaw na kautusan ang QC-RTC kung saan dapat bayaran ang buwis at multa, mas minabuti ni Marcos na bayaran na lang ito sa BIR na ahensiya ng pamahalaang may mandato sa pangongolekta ng buwis.

Dahil dito, umaasa ang kampo ni Marcos na mabibigyang tuldok na ang isyung ito.

“We hope that with this certification, all issues arising from his alleged non-payment of taxes will be finally put to rest, and that we can now all celebrate Christmas with peace of mind,” sabi pa ng abogado.

“Former Senator Marcos’ call for unity extends even to the groups who filed the petitions seeking his disqualification. The UniTeam sees it as the only way to move past this pandemic and uplift our people.

We hope that they join us in this endeavor,” sabi pa ni Atty. Rodriguez.