BIR NOVA, NORTH DISTRICT LUMIPAT NG GUSALI

Erick Balane Finance Insider

MULA sa dati nilang gusali sa North Avenue sa Quezon City, ipinagbigay-alam sa publiko ng Bureau of Internal Revenue na lumipat na ng lugar ang revenue district office ng QC Novaliches at QC North.

Sinabi  ni BIR QC-A Regional Director Albin Galanza na ang bagong gusali ng BIR Novaliches ay matatagpuan sa Regalado Avenue, Novaliches, Quezon City, samantalang ang bagong tanggapan naman ng BIR North ay sa 4th floor ng Fisher Mall sa Quezon Avenue.

Ang paglipat ng dalawang district office ng QC ay iniutos ni BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay dahil sa kalumaan ng gusali nito sa North Avenue at upang maging kumbinyente sa mga taxpayer.

Sa latest tax collection ranking sa saklaw ng QC-A, bumandera ang distrito ng South Quezon City sa ilalim ng pamamahala ni Arnold Galapia, sumunod ang distrito ng Cubao, pangatlo ang Novalichez, kasunod ang North district office.

Sa QC-B area naman ni BIR Regional Director Romulo Aguila, Jr., nanguna ang Marikina City district office, sumunod ang San Juan City, Mandaluyong City, Pasig City at Cainta/Taytay district office.

Nagpasiya ang top manegment ng BIR na hatiin na lamang sa dalawa  ang Pasig City district office dahil sa umano’y masamang performance nito o sadyang nahihirapang makuha ang tax collection goal na iniatang dito. Naka-pending pa ang plano sa paghahati sa dalawang distrito sa Pasig City.

Kaiba naman ang sitwasyon sa Taquig City District Office na dahil sa sobrang laki ng tax collections at magandang tax collection performance nito ay balak ding hatiin para maging dalawang distrito. Ang distrito ng Taguig ay nasa hurisdiksiyon ni Makati City-B BIR Regional Director Glen Geraldino, habang ang isa pang bahagi ng BIR Makati City-A ay sakop naman ni BIR Regional Director Maridur Rosario.

Pinapurihan naman ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III ang Valenzuela Revenue Disgrict Office na nasa ilalim ng hurisdiksiyon ni Caloocan City BIR Regional Director Grace Javier matapos itong makagawa ng records sa tax collections, batay sa inilabas na information tax mode ng BIR main office.

Mula lamang buwan ng Hunyo  hanggang Agosto ay nakapagrehistro ang BIR-Valenzuela District Office ng P334,022,348.41, mas mataas ng P134,341,419 kumpara sa tax goal na P314,000,000.00  o nag-increase ng 28.78%, batay sa collection performance record na itinala ni RDO CPA/Lawyer Rufo B Ranario.

Natangay sa top collection performance ng Valenzuela District Office  ang mother unit nitong Caloocan Regional Office na nakakolekta ng P1,643,095,000.00, mas mataas ng 32.42 percent kumpara sa last year’s goal na P1,643,095,000.00 o karagdagang P794,395,021.56.

Base sa metrix merit tax collection performance, tulad ni RDO Ranario, nagpamalas din ng mahusay na pagkolekta ng buwis si Caloocan City RDO Mike Morada na nakapagtala ng P306,380,017.23, mas mataas ng P203,378,675.30 kumpara sa nakaraang taong goal o nag-increase ng 39.90 percent.

Naka-goal din ang RDO West Bulacan sa naitala nitong P347,561,000.00, nag-increase ng P169,277,400.36; sumunod ang East Bulacan na may P407,953,000.00; habang lumasap naman ng pinakamatinding short fall ang distrito ng Malabon/Navotas na nakakolekta lamang ng P285,564,287.67 o pinakakulelat sa lahat.

Ang BIR ay naatasang kumolekta ng P2.371 trillion sa taong ito, P2.914 trillion sa  2021 at kabuuang P3.287 naman sa 2022.

oOo

Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.