TULUYAN na nga bang tinakasan ng finance service providers ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) ang P50 bilyong unpaid tax sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor)?
Ganoon na lamang ba ‘yon at basta na lang tatakasan ng mga dayuhang negosyante ang malaking pagkakautang sa buwis gayong ang bansa ay naghahagilap at nangungutang sa mga local at foreign bank para ipanggastos sa lumalalang sitwasyon sa pananalasa ng COVID-19 pandemic.
Tumakas ang mga POGO sa bansa, ayon sa industry regulator, matapos na mabigong makakuha ng tax clearance sa BIR at Pagcor na kanilang pinagkakautangan ng buwis.
Una nang kinumpirma nina Pagcor Chairperson and Chief Executive Officer Andrea Domingo at Assistant Vice-President for Offshore Gaming and Licensing Department Jose Tria, Jr. na ang Macao-based Casino Operator SunCity Group ay tumigil na sa kanilang operasyon sa bansa at nagkansela na rin ng lisensiya ang Don Tencess Asian Solutions, Inc. at posibleng nagsunuran na rin ang iba pa.
“I’ve heard there are other (POGO) companies whon also plan to cancel their licenses, but I haven’t received their officials letters, so I can’t name yet. POGOs are now leaving the Philippines largely due to the stringent tax rules from the BIR, particularly on the franchise tax,” paliwanag ni Tria.
Ang BIR at Pagcor ay may binuo umanong sariling task force na siyang naatasan ng Department of Finance (DOF) para manmanan at bantayan ang ikinikilos ng mga ito ukol sa bayaran ng buwis, iba pang benepisyo na dapat makuha ng gobyerno at upang hindi ito makatakas sa batas.
Sinabi kamakailan nina Senators Risa Hontiveros at Joel Vllanueva na hindi dapat payagan ng gobyerno na basta na lamang tayo matakasan ng financiers ng mga POGO matapos silang kumita ng bilyon-bilyon sa ating bansa, lalo na ngayong nasa gitna tayo ng COVID-19 crisis.
‘Di umano, nakipagkasundo na sa kanilang business partners sa Indonesia, Thailand at Singapore ang mga POGO upang doon na lamang ipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Sinabi ng source na sa pitong grupong nagpapatakbo ng POGOs sa bansa, lima rito ay nakipagkasundo na sa Indonesia, Thailand at Singapore at halos 30% na lamang sa mga operator at player nito ang naiwan na posibleng tuluyan na ring sumunod sa mga naunang batch.
Ang online gaming operations ng POGOs ay nagsimula taong 2003. Nasa 80,000 pa lamang ang bilang ng mga empleyado nito na ilegal na nagtatrabaho sa bansa.
“Since January 15, 2020 at least 2,000 or 3% of Chinese nationals who were illegally working in POGOs and in other fraudulent offshore operators have been repatriated to our country,” ayon sa source.
Nagsimulang makakolekta ng buwis ang gobyerno sa POGOs sa halagang P73.72 milyon (2016), tumaas ito sa P3.12 bilyon (2017), bumaba naman sa P6.11 bilyon (2018) at P5.3 bilyon na lang noong 2019, habang sa unang quarter ng 2020 ay nag-contribute ito ng P1.8 billion sa regulatory fees, umabot sa kabuuang P20.83 bilyon ang binayaran (2016 to 2020) para sa application, processing regulatory fees, corporate at employees income tax sa BIR. Sa Pagcor ay mayroon ding franchise tax, sa BI (Bureau of Immigration) naman ay visa fees at sa LGUs ay local taxes.
oOo
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected].
Comments are closed.