VALENZUELA CITY – ISANG paalala sa mga kompanya, pagawaan at mga negosyante ang ginawang inventory taking ng Valenzuela –Revenue District Office 24 kamakailan.
Sinabi ni Revenue District Officer Rufo Ranario na ang inventory taking ay isang sorpresang operasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga kompanya at pagawaan upang matiyak na walang paglabag sa tax law.
Kabilang sa sinisiyasat sa nasabing reinforcement activities ay kung tama ang issuance ng receipt, deklarado ang mga produkto at kung rehistrado ang mga kompanya o pagawaan.
Sakali namang nakitaan ng paglabag ay paalalahanan ng BIR ang mga kompanya upang mag-comply.
Gayunman kung magmatigas at hindi sumunod sa patuloy na reminders ay walang magagawa ang BIR kundi ipatupad ang Oplan Kandado o pagpapasara sa mga nagkasalang kompanya o pagawaan.
Noong isang linggo ay tatlong pagawaan ang ininspeksyon ng BIR-RDO 24 ang isa ay isang food manufacturing sa Karuhatan, Valenzuela, ang ikalawa ay bodega ng kemikal sa Brgy. Ugong at ang isa pa sa nasabing lungsod din.
Tiniyak naman ni Ranario na alinsunod sa batas ang kanilang ginagawa at sumusunod lamang sila batas ng pagbubuwis.
Umaasa si Ranario na kanilang reinforcement activities ay maging wakeup call sa mga negosyante upang ayusin ang kanilang mga rehistro, dokumento at tamang sales inventory upang makapagbuwis ng sapat at makaiwas sa Oplan Kandado.
Magugunitang ngayong buwan ay tatlong bodega, (hardware, asukal at plastic) sa lungsod ang sumailalim sa Oplan Kandado na pinangunahan din nina Ranario at Revenue Region 5-Camanava-Bulacan Regional Director Ma. Grace Javier. EUNICE C.