NEGATIBO sa bird flu ang lahat ng swab samples na nakolekta mula sa mga manok at itik sa loob ng one-kilometer radius na nakapaligid sa dating apektadong farm sa Talisay, Camarines Norte, ayon sa regional field office ng Department of Agriculture (DA).
Kinumpirma ito ni DA Bicol regional executive director Rodel Tornilla makaraang matanggap ang resulta ng real-time PCR test para sa influenza Type A noong Disyembre 12, na nagsasaad na lahat ng 137 oropharyngeal swab samples ay nag-negatibo.
Ayon kay Tornilla, ang one-kilometer radius surveillance areas mula sa dalawang ground zero ay kinabibilangan ng mga barangay ng San Nicolas, Binanuaan, at San Francisco sa bayan ng Talisay; barangays Awitan at Gahonon sa Daet; at Barangay Ginacutan sa Vinzons.
Ang oropharyngeal swab samples ay kinuha sa domestic avian species tulad ng mga itik, gamefowls, at manok mula sa iba’t ibang may-ari sa nabanggit na mga barangay.
Magugunitang iniulat ng Bureau of Animal Industry (BAI) noong nakaraang Miyerkoles ang pagkakatuklas sa Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) Type A Subtype H5N2 sa isang duck farm sa Talisay, Camarines Norte.
Ayon sa BAI, ang positive result ay iniulat noong Disyembre 6, 2024 ng Animal Disease Diagnosis and Reference Laboratory, kasunod ng routine surveillance na isinagawa ng DA Regional Field Office V noong Nobyembre.
Sinabi ng regional office na patuloy na magsasagawa ang kanilang quick response team ng active surveillance sa susunod na seven-kilometer radius mula sa 2 ground zero sa Camarines Norte.
Hinikayat din nito ang publiko na patuloy na mag-obserba ng biosecurity measures tulad ng tamang paghuhugas ng kamay matapos malantad sa anumang uri ng ibon o poultry.
Ang mga residente ay pinapayuhan din na i-report ang anumang hindi pangkaraniwang pagkakasakit o pagkamatay ng mga ibon sa DA o BAI offices.