BIRD FLU OUTBREAK SA LEYTE NAKONTROL NA

NAKONTROL na ang napaulat na outbreak ng avian influenza o bird flu sa isang poultry farm sa lalawigan ng Leyte, ayon sa Department of Agriculture (DA).

“Mahigit sa 50,000 din ‘yung na-cull na at contained na itong area natin sa Leyte,” pahayag ni DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa sa panayam sa Balitanghali ng GMA Integrated News.

Sinabi ni De Mesa na naipaalam na ng DA sa World Organization for Animal Health (WOAH) ang resulta ng laboratory testing, na nagkumpirma noong March 19 na positibo sa  highly pathogenic H5N1 avian influenza ang mga ibon sa poultry farm.

Base sa report ng WOAH, tinukoy ang  Philippine Agriculture Department, ang virus ay nakaapekto sa 4,475 ibon mula sa kawan na 60,529.

Ayon kay De Mesa, ang mga apektadong ibon ay broiler breeders.

“Ito ay ordinary case lang… kasi na-contain naman agad ang area,” sabi pa ng opisyal.

Sa kabuuan, sinabi ni De Mesa na halos 60,000 ibon ang pinatay dahil sa virus, kabilang ang mga na-cull bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat pa ng H1N1 avian influenza.

Pansamantalang ipinagbawal ng DA ang pag-angkat ng ibon at poultry products mula sa ilang bansa tulad ng Japan, Belgium at  France dahil sa H1N5 outbreaks.