BIR’S $809,450 MODERNIZATION OK KAY DIGONG!

Erick Balane Finance Insider

APRUBADO kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahi ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez ukol sa pakikipag-negosasyon sa US government para sa P39 milyong American grant na katumbas ng $809,450 para sa modernization program ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Binigyan ng awtorisasyon ni Presidente Duterte ang DOF sa pamamagitan ni Secretary Dominguez na pumasok sa isang negosasyon sa United States Trade and Development Agency (USTDA) para matustusan ang pangangailangan ng BIR sa digital transformation program nito.

Ayon kay Secretary Dominguez, inaprubahan ng Chief Executive ang kahilingan sa pagkakaloob ng Special Authority sa pagtatalaga ng mga senior official ng DOF at BIR na kakatawan para makipagnegosasyon sa usapin ukol pagpapaunlad ng digital transformation program ng Kawanihan.

Kakatawanin ng Filipinas sa pakikipag-negosasyon sa USTDA sina DOF Undersecretary for Revenue Operations Group Antonette Tionko, Undersecretary for International Finance Group Mark Dennis Joven at BIR Deputy Commissioner for Information Systems Group Lanee David.

Nakapaloob sa nasabing special authority for negotiations, ayon kay BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay, ang kasunduan sa pagkakaloob ng US$809,450.00 na katumbas ng halagang P38,850,873.20 mula sa USTDA para sa pagpapaunlad ng Information and Communications Technology ng BIR at Modernization Strategy and Data Center Technical Assistance Project ng DOF.

Ang nabanggit na US grant sa DOF-BIR ay malaking tulong para lalo pang mapahusay ang tax collections strategy ng Kawanihan kasunod ng ipinamalas na tax collection performance nina BIR Regioal Directors Glen Geraldino, Albin Galanza, Romulo Aguila, Jethro Sabariaga, Ed Tolentino, Dante Aninag, Gerry Dumayas at Revenue District Officers Rufo Ranario, Rodel Buenaobra, Arnulfo Galapia, Antonio Ilagan, Antonio Mangubat, Jr., Elmer Carolino, Saripuden Bantog at iba pa na pawang na-hit ang kanilang target tax goal sa kabila ng pandemic na dinaranas ng bansa.

“The project funded by USTDA grant will ensure an in-depth technical assessment of the BIR’s current ICT environment, the development of an enterprise architecture roadmap/framework, and an assessment of the orgazational frame work of the BIR’s information systems group including recommended restructuring and traning programs,” paliwanag ni Secretary Dominguez.

Sa kanyang report kamakailan kay Presidente Duterte, buong galak at pagmamalaki ni Commissioner Dulay na bagama’t matindi ang pinsalang idinukot sa ekonomya ng pandemic ay nakuha pa rin nilang makamit ang inaasam na target tax goal sa regions at district levels.

Noong nakaraang taxable year 2019 (for 2020), ang BIR, ayon kay Commissioner Billy, ay nakakolekta ng P2.18 trillion, mas mataas ng 11.5% kumpara sa 2018 goal collection na P1.95 trillion, bagama’t mababa ng 4.2% sa P2.27 goal nito.

Bumandera sa may pinakamataas na koleksiyon sina Metro Manila Regional Directors Maridur Rosario (Makati City), Glen Geraldino (South NCR), Albino Galanza (Quezon City), Romulo Aguila, Jr. (East NCR), Jetrho Sabariaga (City of Manila), Gerry Dumayas (Caloocan City), Edgar Tolentino (San Fernando, Pampanga), Florante Aninag (CaBaMiRo) at Ricardo Espiritu (LaQueMar).

Ang bulto ng koleksiyon o P1.7 trilyon ng 2020 tax collection program ay kokolektahin mula sa operations – P902.1 bilyon mula sa buwis na net income and profits; P340.8 bilyon mula sa Value Added Tax (VAT); P193.8 bilyon sa Excise Taxes; P128 bilyon sa Percentage Taxes; at P135.3 bilyon naman sa iba pang buwis.

Sinabi ni Commissioner Dulay na sa kabila ng patuloy na pagdanas ng bansa sa Covid-19, kumpiyansa siya na makokolekta ng BIR ang iniatang sa kanilang target tax goal sa pamamagitan ng pakikipag-coordination ng taxpaying public.

(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa [email protected])

Comments are closed.