QUEZON – PINASOK at binaril sa loob ng kanyang bahay ang isang vice mayor ng San Andres, Quezon habang ito ay nakahiga sa sofa at namamahinga, sa Phase 5-C Santol St., Calmar Homes Subd., Brgy. Kanlurang Mayao, Lucena City.
Kinilala ang biktima na si Sergio “Popoy” Emprese, 60-anyos, at residente ng San Andres, Quezon at may tahanan din sa pinangyarihan ng krimen. Nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala ng baril sa kanang bahagi ng ulo.
Ayon sa anak ng biktima na dating Vice Mayor ng San Andres na si Serson Emprese, dakong alas-7:30 ng gabi nang pasukin ng armadong suspek ang kanyang ama habang ito ay nakahiga at kumakain pa ng mani.
Ayon naman sa kasama nito sa bahay na tumangging banggitin ang kanyang pangalan nasa loob siya ng kuwarto ng makarinig siya ng isang putok ng baril at sumisigaw ang kapatid na babae ng biktima kung saan ay agad siyang pumunta sa sala ng bahay at tumambad sa kaniya ang duguang bise alkalde.
Nasalubong pa umano ng kasambahay ang suspek sa pintuan ng bahay habang ito ay patakas nakasuot ito ng puting damit at bitbit ang baril, sinundan niya ito hanggang sa labas ng bahay at namataan pa niya ang tatlo pang kasama nito na nakatayo sa harapan ng kanilang bahay na nagsilbing lookout.
Agad namang isinugod ng kaanak sa MMG Hospital si Emprese, subalit makalipas ang halos mahigit na dalawang oras ay binawian din ito ng buhay habang ginagamot.
Blangko pa hanggang sa kasalukuyan ang Lucena-PNP kung ano ang motibo ng pamamaril habang patuloy ang follow-up police operation ng mga pulis upang makilala ang mga nasa likod ng krimen at sa posibleng pagkakadakip ng mga suspek. BONG RIVERA