Pormal na nanumpa si Kalookan Bishop Pablo Virgilio “Ambo” David bilang ika-10 Pilipinong kardinal ng Simbahang Katolika.
Pinangunahan ni Pope Francis ang seremonya sa Vatican sa Ordinary Public Consistory upang pormal siyang maging ganap na kardinal ng Simbahang Katolika.
Kasama naman ang kasalukuyang mga Filipino cardinal na sina Jose Advincula ng Maynila at Luis Antonio Tagle.
Sa seremonya, binigyan si David ng cardinal ring, isang tube na naglalaman ng mga dokumentong nagpapahayag ng kanyang bagong katayuan bilang kardinal, at isang pulang biretta. Siya rin ay itatalaga sa isang titular church sa Rome.
Sa kanyang homily, pinaalalahanan ng Santo Papa ang 21 bagong cardinals na huwag mapagod sa kanilang misyon at sa pagsunod sa landas ni Hesus bilang “builders of communion and unity.”
Ang mga bagong cardinal ay nagmula sa isang malawak na hanay ng mga bansa, kabilang ang Argentina, Brazil, Chile, Peru, Italy, Britain, Serbia, Japan, Indonesia, Canada, Ivory Coast, Pilipinas, at Algeria.
Si David ay kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.