Nananawagan ang isang obispo ng Simbahang Katolika sa mga mamamayan na manalig sa Panginoon at umasang malalagpasan ang pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nararanasan sa bansa ngayon.
Ang panawagan ay ginawa ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon, chairman ng Commission on Youth ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa krisis na dulot ng COVID-19, na nagresulta na rin ng pagtaas ng kaso mental health at mga insidente ng pagpapatiwakal sa bansa.
Ayon sa Obispo, dahil sa mga limitasyon dulot ng pandemya ay nararanasan ng mamamayan ang panlulumo, kalungkutan at pag-iisa dulot ng kawalan ng pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Ipinaliwanag ni Alarcon na mahalaga ang pananalangin sa Diyos upang masumpungan ang pag-asa at kalakasan ng loob na harapin ang mga pagsubok na dulot ng pandemya.
“Keep the faith, manalig sa Diyos ang panahon natin ngayon makes us realize ang ating mga limitations at marami ito, pangalawa ipinapakita nito na kung mag-isa lang tayo hindi natin kakayanin, malalaki ang challenges kailangan magtulong tulong but manalig tayo because God has given us the capacity to face adversities and even in difficult times you can make a difference,” aniya, sa pahayag sa church-run Radio Veritas.
Binigyang-diin rin ng Obispo na mahalagang pangalagaan ang mental health, tulad ng pangangalaga sa katawan sa pamamagitan ng masusustansyang pagkain at busugin ang puso ng mga positibong pananaw at disposisyon sa buhay.
“Kung anong kinakain natin, kung anong nilalagay natin sa katawan natin, gan’un din sa ating puso at isipan. What do we keep in our mind? mga galit, inggit, worried. So they should have much more positive thoughts and nurture a healthy disposition, what we also called a healthy realism na habang tayo ay may hope, may faith we are also realistic na hindi overnight mababago ang situation natin,” aniya pa.
Batay sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), umaabot sa 300 hanggang 400 tawag kada buwan ang natatanggap ng ahensya mula sa mga dumaranas ng iba’t ibang mental health problems na higit na lantad sa pagpapatiwakal simula ng magpatupad ng mahigpit na community quarantine sa bansa noong Marso dahil sa COVID-19 pandemic. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.