PINAALALAHANAN kahapon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang publiko na matutong magtipid ngayong panahong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Ipinaliwanag ni Pabillo na mahalagang matutunan ng mga tao ang pagtitipid lalo na sa mga bagay na hindi naman talaga kinakailangan, tulad na lang ng bisyo at pagkahilig sa mga materyal na bagay.
“Matuto tayong magtipid alam natin na tumataas na ang presyo kaya sana magtipid tayo sa mga bagay na hindi naman kailangan,” ani Pabillo, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Payo pa ng Obispo, makatutulong sa tao ang pagkontrol sa mga gastusin at dapat isaalang-alang ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya.
Nauna rito, inianunsiyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo sa 6.4 porsiyento ang inflation rate sa bansa, na mas mataas kumpara sa 5.7 porsiyento noong Hulyo.
Nanawagan naman ang Obispo sa pamahalaan na suriin ang pinakaugat ng suliranin upang matukoy at makapagpatupad ng mga hakbang na masolusyunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Patuloy tayong manawagan sa pamahalaan na ayusin itong mga suliranin. Ano ba ang naging dahilan, manawagan tayo sa mga namamahala na ayusin ang pamamahala nila kasi hirap na ‘yung mga tao,” aniya pa.
Pinayuhan pa ng Obispo ang pamahalaan na tingnan kung nakadadagdag ba ang pagpapataw ng buwis sa mga produkto lalo na sa langis kaya’t ito ay tumataas.
Hinimok din ng Obispo ang pamahalaan na ipamahagi ang ipinangakong tulong pinansiyal sa sampung milyong mahihirap na pamilya sa bansa na labis na naapektuhan sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.