LAGUNA – PATAY sa rumaragasang kotse ang 47-anyos na lalaki matapos aksidente umanong mabundol ang sinasakyan nitong bisikleta sa National Highway, Brgy. Masapang, Victoria.
Base sa ulat ni PCapt. Paul Raymond Ayon, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang si Napoleon Barcenas y Jovillano, residente ng Brgy. Wakat, Nagcarlan.
Sinasabing nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang ulo at katawan ang biktima matapos tumilapon ito sa gitna ng kalsada na ikinamatay nito habang isinusugod sa pagamutan ng nagresponding mga miyembro ng Municipal at Brgy. Rescue Team.
Samantala, sumuko sa pulisya makaraan ang insidente ang tsuper na nagmamaneho ng kotseng kulay brown na Hyundai Reina na si Michael Malicsi y Mallari, 45, Mechanical Engineer, tubong Manila at naninirahan sa #183 Brgy. San Juan, lungsod ng Calamba.
Alas-6:20 ng gabi ng maganap ang nasabing insidente habang aktong lulan sa kanyang bisikleta ang biktima papauwi ng kanyang tirahan ng hindi umano inaasahang mabundol ito ng paparating na kotse na minamaneho ng suspek may plakang NED-6127 patungo ng lungsod ng Calamba.
Dahil dito, magkasamang tumilapon ng malayo mula sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ang biktima at sinasakyan nitong bisikleta.
Kasalukuyang nakapiit sa Victoria PNP Lock Up Cell ang suspek kung saan nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide (RIR).DICK GARAY
Comments are closed.