NENET L. VILLAFANIA/Photos by Jun Barcelon
Labinlimang minuto mula sa Kaybiang Tunnel, matatagpuan ang makapigil-hiningang kagandahan ng Calayo Cove, isang bahagi ng Nasugbu, Batangas kung saan nagtatago ang isang munting paraiso.
Mula naman sa Calayo Cove, kung sasakay ng bangka, mararating mo sa loob ng 10 minuto ang Calayo Munti, isang exclusive family resort na mini-maintain ng pamilya Barcelon.
Matatagpuan din dito ang Calayo sa Nayon Karinderya ni Kuya Nap Derain, pinagkakatiwalaang driver ng pamilya Barcelon.
Mula sa Calayo Cove, pwedeng lakarin hanggang Punta Fuego dahil kalahating kilometro lamang ang layo nito sa nasabing cone, 2.5 kilometers naman kung pupunta sa Pico de Loro. Kung pupunta naman sa Tagaytay, 24 kilometers away naman. Kung manggagaling naman kayo sa Manila International Airport at daraan sa Cavitex, dalawang oras ang biyahe. Kung sa Santa Rosa o sa Coastal Road ang daan, aabutin ka ng tatlo hanggang limang oras, depende sa bigat ng trapiko.
Walang swimming pool o magagandang cottages sa Calayo Munti. Wala ring magagandang banyo na may shower, ngunit ipini-feature dito ang peaceful and traditional accommodation para sa isang simpleng barkadahan. May malinis na beach kung saan pwedeng mag-bonfire, at may internet signal sa lahat ng network. Napakaganda ng lugar para pagba-barbecue.
Kung may sasakyan ang magkakabarkada, kailangang iwan ito sa Barangay Calayo dahil hindi ito pwedeng isakay sa maliit na bangka.
Sa Calayo Munti, may napakagandang hardin, at bahay-kubo na pwedeng tulugan kung aabutin ng gabi. Paalala lang – medyo malamok kaya dapat magdala ng kulambo, at medyo malamig sa gabi kaya kailangan ding magdala ng kumot. Wala nga palang kuryente kaya gas lamps at solar light lamang ang pagkukunan ng enerhiya, pati na ng charging sa cellphones at laptop, ngunit matatamo mo naman ang peace and quiet na kailanman ay hindi mo makikita sa siyudad. NLVN