BISYO GAWING NEGOSYO

PUSONG SABUNGERO

MGA katagang binitiwan ni DOYET LAPIDO noong siya ay magplanong tuluyan nang gawing isang lehitimong negosyo ang pagpapalahi ng mga manok panabong.

Naalala ko pa nang aking makapanayam si Doyet sa kanyang ma­liit na backyard farm sa Davao habang siya ay nagbi-breed ng pailang-ilang mga manok na galing sa kanyang boss na si Bebot Uy, isa sa mga kinikilala, ginagalang at hinahangaang cocker at breeder sa Davao. Nakita ko ang taas ng kalidad ng mga manok na pinapalahi ni Doyet noon at doon ko narinig sa kanya ang planong bukod sa pagpapalahi ay paggawa rin ng mga de kalidad na incubator.

Sa maliit na puhunan ay unti-unting pinalago ng mag-asawang Doyet at Yvette ang kanilang munting negosyo. Na­ging bukang bibig ang kanilang mga ginagawang incubator dahil na rin sa magandang serbisyong ginagawa nila sa kanilang mga parokyano sa buong Filipinas. Bukod pa rito ay lalong nakilala si Doyet sa galing ng kanyang farm ma­nagement at mula sa iilang manok ay naparami niya ito. Ngayon ay unti-unti nang lumalago ang kanyang negosyo kung saan nagsimula siya noon nang sumali siya sa kauna-unahang WORLD GAMEFOWL EXPO na ginanap noong 2011.

Natatandaan ko pa nang himukin ko sina Doyet at Yvette na sumali sa WORLD GAMEFOWL EXPO at ang tugon nila ay hindi sila kilala at wala pa silang pangalan sa larangan ng isport na ito. Sinagot ko sila ng, “Kung hindi ninyo susubukan ay paano ninyo malalaman? Napilitan silang sumali na may dalang kaba at pagdududa dahil sa laki ng bayad sa booth at perang kanilang iba-budget para sa hotel, pamasahe, pagkain at iba pa. Dala na marahil ng kanilang pagnanasang masubukan ang kahihinanatnan ng WORLD GAMEFOWL EXPO ay matapang at maingat nilang sinuong ang pagkakataong ito.

Pagkatapos ng WORLD GAMEFOWL EXPO noong 2011 ay laking tuwa ko nang makita ko na SOLD OUT ang dala nilang mga manok pati na ang mga INCUBATOR. Pagpapatunay na talagang dapat lamang na tayo ay maging malakas ang loob at subukan kung kaya ba nating makipagsapalaran sa mundo na ating ginagalawan.

Ang katagang, THE REST IS HISTORY, sa mag-asawang Doyet at Yvette ay isang halim­bawa na noong una, bisyo lamang ni Doyet ang sabong. Siya ang nagtatari, naghahanda at paminsan-minsan ay nagpapalahi nang maliitan lamang. Ngayon, si Doyet ay itinuturing na isa sa pinakamala­king gamefowl breeder sa ­ating bansa at dahil sa kanyang pagpupunyagi ay naitaguyod nilang mag asawa ang DL GAMEFARM na ngayon ay halos umabot na sa 20,000 manok ang kanilang pinapipisa sa kanilang MEGA BREEDING ­FACILITY SA DAVAO.

Sisiw pa lamang ay nagbebenta na sila ma­ging sa ibang bansa tulad ng Vietnam, Cambodia, Indonesia at Malaysia. Ang nakatataba pa ng puso ay ng makita ko silang ibinabahagi ang kanilang kaalaman sa mga baguhang mananabong sa pamamagitan ng pagtatag ni Doyet ng kanyang DL COCKING SCHOOL.

Sa pakikipagtulu­ngan ng EXCELLENCE POULTRY AND LIVESTOCK SPECIALIST kung saan isa si Doyet na katuwang ng kompanya ay lalong umusbong ang napakagandang samahan at pagkakakilanlan sa galing ng mga produktong gawa ng EXCELLENCE na kanyang ginagamit sa kanyang mga palahian sa Davao.

Isa lamang si Doyet na matagumpay na pumasok sa larangan ng sabong na akala ng karamihan ay isang bisyo lamang subalit nagawang patunayan na may magandang kahihinatnan kung ang BISYO AY GAGAWING ­NEGOSYO…

Comments are closed.