ANIM na malilit na negosyante ang nagtapos sa seminar sa Bisyong Pagnenegosyo ng BVG Foundation katuwang ang Rotary Club Cosmopolitan Cubao nitong Sabado, Marso 23, 2024.
Ang simple ceremony ay isinagawa sa Kamias, Quezon City sa pangunguna ni BVG founder at HCP President Dr. Benjamin V. Ganapin Jr. Certified Public Accountant, RC Cosmopolitan Cubao.
Ang anim na sangkot sa malilit na negosyo na nagtapos ay nakatanggap certification at dagdag-puhunan bukod pa sa libreng konsulta sa marketing tips mula kay Jerry Yao, Certified Professional Marketer – Asia Pacific.
Hindi lang ang mga bagong graduates ang tumanggap ng seminar ng araw na iyon kundi ang Batch 1 hanggang Batch 11 ng mga SMEs na natulungan ng BVG Foundation.
Kasabay ng graduation ay ang panunumpa ng mga bagong opisyal ng Bisyong Pagnenegosyo.
Sinamantala rin ng mga SMEs na natulungan ni Dr. Ganapin ang pagkakataon ng pagsasama-sama upang batiin ito ng Maligayang kaarawan.
Para maging masaya ang pagtitipon, ang mga sample na produkto ng SMEs gaya ng slippers, sandals, suka, cakes, Ice Tea at kakanin ay ipina-raffle ng BVG Foundation.
Nagkaroon din ng salo-salo ang mga opisyal at miyembro ng foundation.
Sa panayam naman ng PILIPINO Mirror kay Dr. Ganapin, lubos siyang natutuwa at nadaragdagan ang kanilang natutulungan na makapagnegosyo sa maliit na kapital.
Nagpapasalamat din si Dr. Ganapin sa mga kasama sa RC na kaagapay para makapagbigay ng dagdag- puhunan sa nais magnegosyo upang mabawasan ang pamilyang walang hanapbuhay.
EUNICE CELARIO