BITAY VS WARLORDS, PRIVATE ARMIES?

TUWING nagkakaroon ng halalan, gumugulo ito bunsod daw ng mga sandatahang tauhan ng mga politiko.

Hindi maitatanggi na may mga nagpapatayang magkakalaban sa politika o partido.

Madalas, sa mismong araw pa ng eleksiyon nagkakagirian.

Kapwa hindi nagpapatalo.

Kumbaga, matira ang matibay.

Gumagamit o nagtatapatan ng mga matataas at malalakas na armas ang mga magkakatunggali.

Nauuwi nga ito sa ratratan.

Ang nakakatakot nga lang, sa awayan ng mga politikong may sariling sundalo o army, nadadamay pati mga sibilyan.

May mga tinatakot at itinutumba ang mga riding-in-tandem.

Lahat posibleng mangyari lalo’t armado ang magkakalaban sa politika.

Dahil sa dala nilang armas, malakas ang loob ng mga kandidato.

Alam daw ng Philippine National Police (PNP) na may private armies na aktibo.

Ayaw man tukuyin ng PNP na mga politiko sila, sino pa ba ang magbubuo ng sandatahang grupo kundi ang mga politiko?

Sila lang ang may kakayahang bumili ng mga armas at mag-empleyo ng mga kalalakihan para manakot ng kalaban at gawing tagabantay nila.

Sa mga nakaraan namang pagdinig ng Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee, ipinagdiinan ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na kailangang magpatupad ng death penalty laban sa mga politikong may private armed groups (PAGs).

Para kay Dela Rosa, dating hepe ng PNP, dapat patawan ng mas mabigat na parusa ang mga dating miyembro ng security forces dahil sa ginagamit daw ng mga ito ang kanilang mga natutunan sa training mula sa Armed Forced of the Philippines (AFP) para biktimahin ang mga walang kalaban-laban na sibilyan.

Kung hindi ako nagkakamali, bukod sa paggagawad ng bitay, aba’y plano ring isulong ng senador ang pag-amyenda sa Omnibus Election Code kung saan nais niyang pagbawalang lumahok sa halalan ang mga panggulo o “nuisance candidates.”

Sinasabing nabuo ang panukala ni Dela Rosa kasunod ng lahat ng uri raw ng karahasan na nangyari sa Negros Oriental na kumitil na ng maraming buhay, kabilang ang pagpatay kay Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.

Napaka-delikado ng private armies at warlordism.

Nasa panganib sa sitwasyong ito, hindi lamang ang mga politiko, kundi pati na rin ang mamamayan.

Nalalaman naman daw pala ng PNP ang mga aktibong PAGs kaya sa palagay ko’y madali na nilang malalansag ang mga ito kung gugustuhin nila.

Ang masaklap, maaaring mga dati o kasalukuyan pa nilang kabaro at iba pang nasa hanay ng security forces ang sangkot dito.

Aba’y huwag nang hayaang umabot pa sa madugo ang sitwasyon lalo na sa mga liblib na lugar sa ating bansa.

Kaya walang katiwasayan sa ilang rehiyon dahil daw sa warlords at PAGs.