PAANO bibigyan ng halaga ang isang bagay na hindi nahahawakan? Ang salapi ay may katumbas na ginto na nakaimbak sa Bangko Sentral, garantiya na may halaga ang papel o coin na hawak natin.
Ang tseke naman na isa ring papel ay ginagarantiyahan ng depositong salapi na nakaimbak sa bangko. Ang tiwala ng tao sa integridad ng pera ang nagbibigay halaga dito kung kaya’t naipapalit ito sa produkto o serbisyo.
Kapag tumataas ang utang ng isang bansa, bumababa ang halaga ng salapi nito. Halimbawa, kung mababayaran ang lahat ng utang ng Filipinas ang halaga ng piso ay magiging katulad sa halaga ng dolyar, piso sa isang dolyar.
Sa Katipunan sa Quezon City ay may isang restawran kung saan makabibili ka ng pagkain gamit ang bitcoin, isang virtual na currency. Limang taon na ang nakararaan, ang halaga ng isang bitcoin ay nasa P50. Ngunit kamakailan ay pumalo na ng US$10,000 ang halaga kada bitcoin.
Paanong tumaas ito ng ganu’n? Nauso dahil sa maaaring ginintuang oportunidad ang sagot. Lubhang pagkagahaman sa pagiging una ang tao na nakakita ng oportunidad sa bitcoin, at dahil sa biglang pagtaas ng demand ay tumaas din ang halaga.
Nakalikha na din ang pagkagahaman ng tao sa bitcoin ng isang bagong industriya na nakapalibot dito sa virtual currency na ito. Kung tutuusin ay speculative ang halaga nito ngunit sa ngayon ay nakakamangha na ang isang bagay na hindi nga isang bagay ay magkaroon ng napakataas na halaga, nasa P500,000 kada bitcoin o higit US10,000 kada bitcoin.
Ngunit ating hinihimok ang ating mga mambabasa na maging mapag-obserba muna at araling maige ang nasabing industriya bago pumasok sa pag-te-trade gamit ang bitcoin, dahil sa bandang huli ay maging Mickey Mouse money ‘yan.
Ang Mickey Mouse money ay bansag sa salaping gamit nung panahon ng World War II na nawalan ng halaga matapos bumagsak ang pananakop ng bansang Hapon at matalo ito sa digmaan.
Malaking problema ito dahil hindi na maaaring ipambili ang hawak ng mga tao sa Filipinas noon matapos makahulagpos ang Filipinas mula sa bansang Hapon.
Ang isang dapat bantayan dito e dahil ang bitcoin ay maituturing na isang speculative currency o virtual currency na ang halaga ay naaayon sa demand na ina-assign dito ng merkado, maaaring maihalintulad ito sa isang lobo na maaaring pumutok at mawala anumang oras.
Comments are closed.