BIYAHE NG MGA APOR BUBUSISIIN NA RIN NG JTF COVID SHIELD

Guillermo Eleazar

SISILIPIN na rin ng Joint Task Force COVID-19 Shield ang mga nagiging paglabag ng ilang authorized persons outside of residence (APOR) sa umiiral na community quarantine.

Ito’y kasunod ng mga natatanggap nilang ulat mula sa iba’t ibang quarantine controlled points hinggil sa pang-aabuso ng ilang APOR  na ginagamit ang kanilang pribilehiyo para sa non – essential travels.

Ayon kay Task Force COVID-19 Shield Commander P/Ltg. Guillermo Eleazar, may limitasyon ang ibinibigay na pribilehiyo sa mga APOR upang sila’y makabiyahe sa kani – kanilang mga lugar ng trabaho.

Gayunman, ang paggamit sa kanilang mga identification (ID) cards na inilabas ng IATF gayundin ang paggamit ng rapid pass para sa non essential travels ay malinaw na paglabag sa quarantine protocols.

Ito aniya ang dahilan kaya’t marami ring naitatalang mga pagtatalo sa checkpoints dahil karamihan sa mga nasisita ay mga APOR na hindi lehitimo ang biyahe.

Dahil dito, inatasan na ni Eleazar ang mga commander ng iba’t ibang QCPs na higpitan ang kanilang pagbusisi sa layunin ng pagbiyahe maging APOR man o hindi. DWIZ882

Comments are closed.