IGINIIT ng grupong “Komyut,” kahit na bawal o hindi ay tiyak na tatangkilikin pa rin ng publiko ang motorcycle-for-hire apps dahil sa kakulangan ng pampublikong transportasyon sa bansa.
Anang grupo, ilegal o legal ay patuloy na kumukuha ng mga pasahero ang ilang drayber ng motorcycles-for-hire sa kabila ng pagbabawal ng gobyerno.
“Maraming commuters na naghahanap ng mas mabilis na paraan para makapasok sa trabaho, makaiwas sa traffic kasi sobra na ang traffic sa Metro Manila,” anang isang Angkas rider sa kanyang mensahe sa Facebook.
Ayon nga kay Rebecca Padilla, miyembro ng nasabing grupo na sa araw-araw na paglabas nila ng bahay ay lagi nilang inaawit ang kantang ‘buwis-buhay.”
Gayundin, nanawagan naman ang motorcycle rider na si alyas “Ryan” na payagan na ang operasyon ng mga motorcycle ride-sharing applications at iba pang motorcycles-for-hire.
“Sana matulungan kami na maayos. Sa ngayon kasi kung saan-saan lang po kami namimik-ap (pick-up) ng mga pasahero,” aniya.
Ganito rin ang naging panawagan ng ride-hailing app na Angkas sa huling pagdinig ng Kamara ukol sa pagpayag sa mga serbisyong inaalok ng tulad nilang mga ride-hailing app nang muling ipagbawal ng Korte Suprema noong Disyembre.
“We really hope that we can push for this kasi po sa survey na kino-conduct po namin, marami po talagang habal-habal. In fact, nasa FB po sila,” ani George Royeca, Angkas head for Regulatory and Public Affairs.
Samantala, naglipana na rin umano ang serbisyo ng mga habal-habal at iba pang underground riders sa Cebu kaya pabor si Cebu City Mayor Tomas Osmeña na payagang pumasada ang motorcycles-for-hire sa ilalim ng maayos na mga regulasyon.
“The national government should be more responsive to what is happening. You cannot stop the habal-habal, you are just making criminals out of them,” ani Osmeña.
Naglabas na rin ng resolusyon ang House Committee on Metro Manila Development na nananawagan sa Department of Transportation (DOTr) na idaan muna sa department order ang pagpapahintulot dito habang hindi pa naaamyendahan ang Republic Act 4136 na nagbabawal sa paggamit ng motorsiklo sa pagpapasada.
Kahapon ay nagpulong na ang technical working group ng DOTr para alamin kung may legal na basehan para idaan muna sa department order ang pagre-regulate sa mga motorcycles-for-hire.
Comments are closed.