BIYAHE NG MRT-3 SUSPENDIDO SIMULA NGAYON HANGGANG SABADO

MRT-LIBRENG SAKAY

SUSPENDIDO ang biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa loob ng limang araw kasunod na rin ng pagdami pa ng bilang ng kanilang mga personnel na positibo sa corona- virus disease 2019 (COVID-19), na umaabot na ngayon sa 186.

Sa abiso ng MRT-3 kahapon, ang suspensiyon ng kanilang mga biyahe ay magsisimula ngayong Martes, at magta­tagal hanggang sa Hulyo 11, Sabado.

Paglilinaw naman nito, maaaring humaba pa ang mga araw ng temporary shutdown o ‘di kaya ay umigsi naman, depende sa resulta ng pagsusuri, at kung matutukoy na may sapat na silang bilang ng mga personnel na negatibo sa virus para maipagpatuloy ang kanilang operasyon.

Ayon sa MRT-3, hanggang kahapon ng hapon ay may 186 MRT-3 personnel nila ang nagpositibo sa sakit, kabilang dito ang 17 station personnel at 169 na depot personnel, habang halos 2,000 pa umano ang mga personnel nila na isasa­ilalim sa pagsusuri laban sa virus.

Sinabi ng MRT-3 na sa mahigit 3,200 workforce ay kakailanganin nila ng 1,300 personnel upang maipagpatuloy ang kanilang limitadong operasyon.

Sa kasalukuyan ay kailangan pa umano nila ng karagdagang  964 personnel na negatibo sa virus upang makapagpatuloy sa kanilang mga biyahe.

“As resolved by the Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), and following the increasing number of personnel who tested positive for COVID-19, the MRT-3 will temporarily suspend its operations starting Tuesday, 07 July 2020,” anunsiyo ng MRT-3.

Ayon sa MRT-3, layunin ng temporary shutdown na bigyang-daan ang pagsasailalim sa RT-PCR swab testing sa lahat ng kanilang personnel, kabilang na yaong mga tauhan ng kanilang maintenance provider na Sumitomo Mitsubishi, at mga subcontractor, upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng sakit, at matiyak na protektado ang kalusugan at kaligtasan ng mga personnel at kanilang mga commuter.

Nabatid na ang RT-PCR testing ng MRT-3 personnel ay isasagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Palacio de Manila swabbing center, katuwang ang Philippine Red Cross.

Ang mga personnel na magpopositibo sa sakit ay dadalhin sa kaukulang government quarantine facility, habang ang mga negatibo sa virus ay magiging bahagi naman ng grupong mag-o-operate sa sistema, sa pagbabalik nila ng kanilang operasyon.

Sa panahon ng temporary shutdown, magsasagawa rin naman ang MRT-3 ng disinfection sa lahat ng pasilidad nila, kabilang na ang depot, mga istasyon at mga tren.

Upang matulungan naman ang mga commuters sa kanilang pagbiyahe,  ipagpapatuloy nila ang kanilang MRT-3 Bus Augmentation Program, na may 90 bus at fixed dispatching interval na kada tatlong minuto.

Bilang karagdagan, 150 bus din ang ide-deploy para sa EDSA Busway service, na maghahatid ng pasahero sa pagitan ng Monumento at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITx).

“A mini loop will also run between Timog Ave. and Ortigas to service passengers, where shuttle services / mini buses will be allowed to pick up and drop off passengers at the curbside,” anang MRT-3.

“During this pandemic, the mandate to support the reopening of the economy shall be balanced with the health and safety of the riding oublic, and of our public transport personnel,” dagdag pa nito.

Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA, mula Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, ­Quezon City. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.