BICOL – Balik operasyon na ang biyahe ng mga sea vessels o sasakyang pandagat sa ilang mga daungan sa Bicol matapos ilabas ng PAGASA ang pinakabagong bulletin nito na inaalis ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lalawigan ngayong araw.
Sa sea travel advisory ng Philippine Coast Guard , inalis na ang suspensyon ng byahe ng mga RORO at cargo vessels o anumang sasakyang pandagat sa lalawigan ng Masbate, Catanduanes at Sorsogon.
Nakataas pa ang TCWS No. 1 sa Camarines Norte, Camarines Sur, hilagang bahagi ng Albay (Tiwi, Polangui, Malinao, Libon, Oas, Ligao City) at Burias Island, kaya hindi pa muna pinahihintulutan ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat sa karagatang sakop ng mga ito.
Patuloy na pinag-iingat ang publiko sa banta ng bagyong Aghon at hinihikayat na manatiling nakaantabay sa anunsyo ng mga awtoridad.
Ni Ruben Dugan Fuentes