BIYAHE NI PBBM AT LAB FOR ALL SA SAN RAFAEL

HINDI maitatanggi na naging mabunga ang naging biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Singapore kamakailan.

Sa katunayan, nakakuha pa nga ito ng investment pledges.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil na sa apat na araw na biyahe ng presidente ay nakapulong niya ang mga opisyal ng GMR multinational firm ng India.

Sinasabing nagpahayag ito ng interes na mag-invest sa paliparan, kalsada, at energy projects ng Pilipinas.

Maging ang multinational technology company na Dyson ng Singapore ay nangako ring maglalagak ng P11 bilyon sa Pilipinas sa loob ng susunod na taon.

Interesado rin daw na magpalawak pa ng negosyo sa bansa ang Malaysian retail specialist Valiram Group para sa pagpapaganda ng mga airport outlet at duty-free retail tourism.

Nagtungo roon ang Pangulo para sa 10th Asian Conference sa Singapore habang um-attend din ito sa Formula One Singapore Grand Prix 2023 bunsod na rin ng imbitasyon ni Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong.

Samantala, tuloy-tuloy ang mga proyekto at programa ni San Rafael, Bulacan Mayor Mark Cholo Violago sa kanyang nasasakupan.

Nagsagawa naman ng medical mission ang lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Violago, Vice Mayor Marilyn Veneracion, at Sangguniang Bayan kung saan dinaluhan ito ng ating mga kababayan mula sa Brgy. Talacsan.

Nabatid na bahagi ito ng programang “Lab For All” o Lingap at Alagang Bayanihan na layuning mag-abot ng libreng laboratoryo, konsulta, at gamot para sa mga residente.

Nagpasalamat naman si Violago sa private sector partners ng Lab For All tulad ng Lucio Tan Group, Inc. at Jaime V. Ongpin Foundation, Inc.

Kamakailan ay naging matagumpay rin ang pamamahagi ng scholarship grant mula kay Violago para sa mga mag-aaral na San Rafaeleños.

Tinanggap ng mga estudyante ang ayuda sa ilalim ng Iskolar Ng Bayan-Municipality of San Rafael Scholarship Program para sa first semester ng Academic Year 2023-2024.

Si Violago at ang pamahalaang bayan ay patuloy na kaagapay sa pag-aaral ng mga kabataan nang sa gayon ay magkaroon sila ng magandang kinabukasan.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!