BIYAHE NI PBBM SA DUBAI KINANSELA

HINDI na tumuloy si Pangulong Ferdinand R. Marcos  Jr. sa kanyang pagbiyahe kahapon ng umaga para dumalo sa 28th Conference of the Parties to the United Nations Framework Convention on Climate Change (COP28) sa Dubai, United Arab Emirates mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 2. 

Nakatakda sanang umalis ang Pangulo kasama ang kanayng delegasyon dakong alas-10 ng umaga subalit hindi na tumuloy dahil nais niyang tutukan ang mahalagang development sa 17 Filipino seafarers na dinukot sa Red Sea.

“In light of important developments in the hostage situation involving 17 Filipino seafarers in the Red Sea, I have made the decision not to attend COP28 in Dubai,” sabi ng Pangulo sa kanyang social media post na X.

Ilang sandali makaraan ang ginawang pagkansela ng Pangulo sa pagdalo sa COP 28 ay humarap sa mga mamamahayag si DILG Secretary Benhur Abalos at binasa ang statement hinggil sa pagkansela sa biyahe.

Ayon kay Abalos, magpapatawag ang Pangulo ng pulong upang magpadala ng high-level delegation sa Tehran,Iran para maibigay ang kakailanganing tulong sa mga hinostage na mga Filipino seafarers.

Kaugnay nito si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga na ang kakatawan sa Presidente sa COP28.

Ang barko ay na-hijack ng Houthi rebels ng Yemen bilang ganti umano sa opensiba ng Israel sa Gaza.

EVELYN QUIROZ