MASAYANG ibinalita kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bumilis ng 23 minuto ang biyahe ng mga behikulo sa EDSA sa kabila ng pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge.
Ayon sa MMDA, ang naging average travel time na nasa 22.19 kph travel speed mula Roxas Boulevard hanggang Monumento (vice versa) noong Enero 21, 2019 ay bumaba ng isang oras at dalawang minuto, na nakita ang pagbilis ng 23 minuto ng biyahe ng mga sasakyan sa EDSA.
Ikinumpara ito noong Nobyembre 22, 2018 na nasa isang oras at 25 minuto na nasa 16.14 kilometro kada oras ang travel speed ng mga sasakyang bumabagtas sa EDSA.
Sa galaw naman ng trapiko mula Ayala Avenue hanggang Shaw Boulevard ay bumilis din ng 12 minuto at 19 segundo, 21.57 kph.
Ayon sa MMDA, datapwat ipinatupad ang pagsasara ng Estrella-Pantaleon Bridge o Rockwell Bridge nito lamang Enero 19, ang pagbilis ng biyahe ng mga sasakyan ay dahil sa pag-iwas ng mga motorista na dumaan sa EDSA na sa halip karamihan sa kanila ay minabuting dumaan sa mga secondary road ng Makati at Mandaluyong City o sa Makati-Mandaluyong Bridge.
Kasabay nito, nag-abiso ang MMDA na muling magsasagawa ng road reblocking ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa southbound ng C-5 Road sa Julia Vargas Street, C-5 Road harap ng SM Aura, sa EDSA sa harapan ng Home Depot hanggang Kaingin Road (4th lane from center island), EDSA pagkatapos ng Lagarian Creek hanggang Ermin Garcia (tabi ng MRT).
Sa northbound lane naman ay ang R. Magsaysay Boulevard, Pureza R. Magsaysay Bridge.
Sinimulan ang road reblocking alas-11:00 kagabi (Biyernes) at sa alas-5:00 ng umaga ng Lunes (Enero 28) mabubuksan ang mga nabanggit na kalsada sa mga motorista. MARIVIC FERNANDEZ