ISINARA na nitong Linggo ang ruta ng Philippine National Railways (PNR) mula Biñan, Laguna hanggang Alabang sa Muntinlupa para bigyang-daan ang konstruksiyon ng North South Commuter Railway (NSCR) project.
Ayon sa report, ang huling biyahe ng nasabing ruta ay dumating ng madaling araw.
Pasado alas-5 ng umaga umalis ng Biñan ang tren at nakarating ng Alabang station bago mag-alas-6 ng umaga.
Ang rutang Biñan-Alabang-Biñan ay isinara dalawang linggo matapos ding ipasara ng PNR ang ruta nito mula Alabang hanggang Calamba, Laguna.
Ang konstruksiyon ng NSCR ay inaasahang tatagal ng lima hanggang anim na taon.
Nabatid na ang 147-kilometrong NSCR system ay inaasahang tatahak mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna, na mag-uugnay sa Greater Manila Area sa karatig na mga lalawigan.
Ang NSCR ay magiging isa sa mga pinakamodernong rail system sa Timog-Silangang Asya na may pinansyal at teknikal na suporta mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at Asian Development Bank (ADB).
Una nang humingi ng paumanhin ang PNR sa mga apektadong pasahero at sinabing bahagi lamang ito ng modernisasyon ng train system ng bansa.