MUNTINLUPA CITY– ISANG motorista ang namatay matapos na ito ay pagbabarilin ng motorcycle riding in tandem criminals kahapon ng umaga sa lungsod na ito.
Sanhi ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, dead on arrival nang isugod sa Muntinlupa City Medical Center (MCM) ang biktimang si Donnie Apostol, 39, nakatira sa Brgy. Putatan ng naturang siyudad.
Sa report ng Muntinlupa City Police, ang insidente ay naganap dakong 7:15 ng umaga sa Main Road ng Soldiers Hills Village, Block 39, Lot 8, Brgy. Putatan
Ayon sa report, minamaneho ng biktima ang isang kotse na may plakang NBQ-8277 nang bigla itong tabihan ng isang motorsiklong walang plaka na may magkaangkas na dalawang lalaki.
Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at walang salitang pinagbabaril ang biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas ang mga ito.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga pulis ang nasabing pamamaril at nagsasagawa na ng follow-up upang alamin ang pagkakakilanlan ng mga suspek. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.